Itinutulak ngayon ni Senador Lito Lapid ang isang groundbreaking bill na naglalayong magbigay ng lifeline sa mga mahihirap na naghahanap ng trabaho sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho sa Pilipinas.
Binibigyang-diin ng inihain niyang Senate Bill No. 2382 o Indigent Job Applicants Discount Act ang pamosong kredo ni dating Pangulong Ramon Magsaysay Sr., na “He who has less in life should have more in law.”
Kung maging batas, ang panukala ay magbibigay ng 20% discount sa mga mahihirap na aplikante para sa binabayarang fees at charges sa ilang government certificates at clearances, gaya ng NBI, police clearance, school clearance o transcript of records, medical, marriage at birth certificates.
“Nais po nating bigyan ng patas na oportunidad ang ating mga naghihikahos na kababayan para madaling makahanap ng trabaho. Pero hindi mangyayari ito kung papasanin pa nila ang nagtataasang singil ng mga ahensya ng ating pamahalaan bilang bayad sa mga certificates, clearances at iba pa,” giit ni Lapid.
Apela pa niya sa kanyang mga kapwa senador na, “Kaya hinihiling ko sa aking mga kasamahan dito sa Senado na madaliin na natin ang pagpasa ng panukalang SBN 2382.”
Naniniwala rin ang mambabatas na ang pagkakaroon ng trabaho ay mahalaga para sa pagbawas sa kahirapan at sustainable economic at social development. Naniniwala siya na mahahango sa kahirapan ang isang pamilya kung may trabaho ang sinumang miyembro nito.
Kabilang sa kwalipikado sa panukalang batas ang mga pamilyang nasa mababang poverty threshold, at tinukoy o senertipikahan ng Philippine Statistics Authority base sa criteria na itinakda sa ilalim ng Community-Based Monitoring System. Ang syudad o munisipyo ang magbibigay ng certificates of indigency sa mga kwalipikadong aplikante.
Higit pa rito, kasama sa batas ang mahigpit na parusa para sa mga pampublikong opisyal o kawani na tumatangging magbigay ng mga benepisyo sa mga mahihirap na aplikante. Ang mga mapapatunayang lumabag ay maaaring mapatawan ng multa mula P5,000 hanggang P20,000.
May parusang nakatakda rin sa sinumang jobseekers na mandaraya o manloloko sa anumang dokumento o clearances na isusumite sa mga kumpanya o sa ahensya ng gobyerno base sa Revised Penal Code, at papatawan din ng habambuhay na disqualification sa paggamit ng nasabing mga prebilihiyo.
Nakapasa na sa third and final reading ang counterpart bill nito sa Kamara noon pang May 22, 2023.