Nanawagan si Iloilo Rep. Janette Garin sa mga mambabatas para sa agarang aksyon sa isinusulong na economic constitutional reforms dahil sa malaking potensyal nito na mapabuti ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.
“Payagan nating umangat ang bawat pamilyang Pilipino kasi sa pag-angat nila makakatulog tayo ng mahimbing at kapag tayo ay may marami nang mga apo sa tuhod, masasabi natin, we did our obligation to our people,” aniya sa isang press conference.
Ang pahayag ni Garin ay sa gitna ng progreso ng House of Representatives for Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7), na naglalayong amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya sa 1987 Constitution tungkol sa public utilities, education, at advertising. Ang RBH 7 ay inaasahang maaaprubahan sa ikatlong pagbasa sa susunod na linggo.
Hinimok din niya ang Senado na gumawa ng agarang aksyon sa panukala lalo na at papalapit na 2025 midterm elections.
“Sana nga lang gumalaw rin iyong Senado. Kasi bawat araw, bawat buwan, bawat taon at mag e-eleksiyon ulit, ano ang sasabihin natin sa taong bayan?”
Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangan para sa economic Charter amendments upang matugunan ang mga mahahalagang isyu tulad ng mataas na presyo ng pagkain, kalidad ng edukasyon, mahal na kuryente, limitadong internet access, kakulangan sa tubig, at hindi sapat na pampublikong sasakyan.
“Our decisions and actions should be directed to what is good for our people.”
Ayon sa kanya, ang mga mambabatas ay may moral na obligasyon na unahin ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at ibinasura ang ideya na kailangan ang kahirapan upang manatili sa kapangyarihan.
“To stay in power, you have to let the people remain in poverty. That is the wrong kind of governance.”
Sinabi rin ni Garin na dapat ipakita ng Kongreso ang agarang aksyon nito sa paghahatid ng mga positibong resulta para sa mga tao.
“We really need to move, we have to deliver, we have to walk the talk because that is our obligation to the public.”
Iginiit din niya na ang mga panukalang RBH 7 ay walang political motivations at napakahalaga para matugunan ang economic limitations na humahadlang sa paglago at competitiveness ng bansa.
“The economic Cha-cha or RBH 7 is clearly devoid of politics.”
Sa huli, iniugnay ni Garin ang kawalan ng tiwala ng publiko sa maling impormasyon at maniobra sa pulitika, at idiniin ang pangangailangan para sa transparency sa legislative process.
Photo credit: House of Representatives Official Website