Sa patuloy na pagdami ng mga Chinese sa bansa, gustong usisaing mabuti ni Senador Risa Hontiveros ang kanilang pakay sa Pilipinas sa kabila ng pangambang maaring pagbabalik ng “pastillas” scam.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nakapagtala sila ng mahigit 1,500 na mga Chinese na mayroong student visa sa Cagayan noong nakaraang taon. Ito’y matapos maging usap-usapan ang pagdami ng naturang nationality sa bansa kamakailan lamang.
Ang nakakabahalang bilang na ito ng mga Chinese ay napuna ng iba’t-ibang organisasyon at mga senador kabilang na si Hontiveros na nais pa-imbestigahan ang kanilang populasyon sa bansa dahil sa posibleng kapahamakan na dulot nito.
Aniya, ang kanilang pagdami ay maaring simbolo ng muling pagsulpot ng mga illegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at pagkaulit muli ng nakaraang pastillas scam issue.
“Bagong kabanata nanaman ba ito ng Pastillas Scam? Visa Upon Arrival and other immigration processes have been abused in the past, as they enabled the unchecked entry of Chinese nationals working for POGOs,” pahayag ng senador patungkol sa isyu.
Matatandaang noong 2020 ay napabalita ang pastillas scam kung saan nahuli ang ilang immigrantio officers na tumatanggap ng suhol mula sa mga Chinese upang makapasok sa bansa kahit hindi sila dumaan sa tamang immigration process.
Dagdag pa ni Hontiveros, nakakaalarma rin ang pagdami ng nationalities na ito dahil may naitala ring issue ng pagpapanggap bilang Pilipino ng isang Chinese sa Thailand.
Upang masolusyunan ang isyu, ang payo ng senador ay i-monitor ang mga ito para masiguro na narito talaga sila para sa educational purposes. “Maghahain ako ng resolusyon tungkol dito. Maliban sa posibleng paglabag sa ating mga proseso sa immigration, the Senate should look into the reported presence of Chinese nationals around EDCA sites. This is a national security concern that must be addressed.”
Kaugnay nito, nabanggit na rin ng BI na maaring magkaroon ng inspeksyon sa mga Chinese nationals na mayroong student visa sa tulong ng National Intelligence Coordinating Agency at ng National Bureau of Investigation.
Sa kabila nito, sinabi pa ng ahensya na ang prosesong ito ay hindi para takutin ang ibang lahi para mag-aral sa bansa, ngunit para lamang masigurado ang kaligtasan ng mga Pilipino at ng Pilipinas.