Nababahala si Senador Raffy Tulfo sa aniya ay patuloy na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa ilalim ng bagong pangalan: Internet Gaming Licensees (IGLs).
Sa pagdinig ng Senado noong September 4, kinuwestiyon niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) tungkol sa maliwanag na loophole na nagpapahintulot sa gaming operations na ito na magpatuloy sa kabila ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa.
“It seemed to me na parang niloko si Presidente, parang ini-scam, binudol si Presidente,” pahayag ng mambabatas. Aniya, ang mga tinatawag na IGL ay mga POGO in disguise lang. Kinwestyon din niya ang patuloy na operasyon ng mga IGL tulad ng kaso ng 12 Stars Int’l Gaming POGO na nag-ooperate sa parehong gusali ng opisina ng PAGCOR sa Aseana JX Tower.
Kinilala naman ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco ang mga alalahanin ng senador at inamin na talagang walang makabuluhang pagkakaiba ang operasyon ng POGOs at IGLs. Upang matugunan ang isyu, tiniyak niya sa komite na ang ahensya ay nakatuon sa ganap na pagsunod sa utos ng Pangulo at babawiin ang lahat ng mga lisensyang ibinibigay sa mga IGL sa pagtatapos ng taon.
Photo credit: Facebook/senateph