Iginiit ni Senador Imee Marcos na patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, taliwas sa sinabi ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Sa kabila ng pagtatanggol sa mga pahayag ng kanyang kapatid tungkol sa inflation, nanindigan ang senador na ang halaga ng mga pangunahing bilihin ay nananatiling malaking pasanin para sa mga ordinaryong mamamayan.
“Ang problem, kapag bumaba ang inflation, hindi naman bumababa ang presyo. Hayun ang problema. Sa pagkain, sobrang taas ng presyo talaga. At hindi bumababa – nakakasindak ‘yun,” pahayag niya sa isang media forum.
Binigyang-diin pa ng mambabatas ang pagkakaiba sa pagitan ng mga inflation rate at aktwal na presyo ng mga bilihin, na naglalarawan sa hirap na kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino.
“Hindi nararamdaman sa ibaba dahil kapag namamalangke ka ang asukal na puti ay P105, ang sibuyas pula ay P140 sobrang mahal pa rin ng bilihin, P200 pa rin ang puti. Sobrang mahal pa rin ng bilihin…. Hindi pa nararamdaman talaga kaya iyon ay kailangang masolusyunan.”
Bagamat ipinagtatanggol ang pahayag ni Pangulong Marcos tungkol inflation rate, binigyang-diin ni Sen. Imee na ang pagkakaiba ng inflation rate at aktwal na presyo sa mga pamilihan ay nangangailangan ng agarang atensyon mula sa gobyerno.
“Ang sa palagay ko talagang bumaba ang inflation…. Hindi naman nagsisinungaling ang kapatid ko – ‘yung quinote sa SONA ay tama. Ang problema kapag bumaba ang inflation, hindi naman bumaba ang presyo,” aniya.
Sa kanyang ikalawang SONA, buong pagmamalaking sinabi ni Pangulong Marcos na ang inflation rate ay gumagalaw sa tamang direksyon – na bumaba mula 8.7% noong Enero hanggang 5.4% noong Hunyo.
“What this means is that in spite of all the difficulties, we are transforming the economy. We are stabilizing the prices of all critical commodities,” aniya.