Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nais ng kanyang administrasyon na isulong ang paggamit ng mga biofertilizer para mabawasan ang paggamit ng mahal at imported na mga petroleum-based fertilizer.
Ayon sa ulat mula sa Philippine News Agency, ang pagsulong sa paggamit ng mga biofertilizer ay nabuo sa pagpupulong ng Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya sa Malacañan Palace noong Martes, Pebrero 28.
“We are totally dependent on petroleum-based fertilizer. Now, we are going to introduce biofertilizer to our farmers and teach them how to use it. And hopefully, this will ease our concerns when it comes to the supply of fertilizer. And we can fully control the availability of biofertilizer,” pahayag ni Marcos.
Ang mga biofertilizer ay ang natural na pataba sa lupa na gawa sa mga living microorganism. Ginagamit ito sa pagpapalaki ng mga halaman sa pamamagitan ng pagtaas ng suplay ng mga nutrient sa lupa.
Isinaad rin ni Marcos na gagamitin ang mga biofertilizer bilang alternatibo dahil sa mataas na presyo ng karaniwang mga fertilizer.
“Kayang-kaya daw dito i-produce sa Pilipinas ‘yan. And furthermore, there are many technologies from UPLB (University of the Philippines – Los Baños), from the other SUCs (state universities and colleges), the agricultural colleges. Marami silang na-research, na-develop na technologies diyan sa biofertilizer,” aniya.
Dagdag rin ng Pangulo na maaari pa ring gamitin ang mga non-organic at petroleum-based na fertilizer.
“Now, there will still be a mix. Hindi mawawala ‘yung urea, hindi mawawala ‘yung mga non-organic. But we will lessen our dependence on importation when it comes to fertilizer supply,” aniya.