Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, ng ayuda sa mga sektor na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa pahayag ni Office of the Press Secretary Officer-in-Charge Cheloy Velicaria-Garafil, mamimigay ang gobyerno ng conditional cash transfer at fuel subsidy sa mga apektadong sektor.
“Bahagi ito ng malawakang tugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang na ang mga programa para labanan ang mga hamong dala ng pabago-bagong klima at upang mas maparami ang suplay ng pagkain,” ayon sa pahayag.
Nasabi ito ni Gerafil sa kabila ng naitalang 7.7 percent inflation ng Philippine Statistical Authority nitong Oktubre 2022, kumpara sa 6.9 percent na naitala noong Setyembre 2022.
“Tinitiyak ng Pangulo na patuloy na tututukan ng buong pwersa ng gobyerno ang inflation at mga sanhi nito, at patuloy din na gagawa ng mga hakbang upang maibsan ang epekto nito sa ating mga mamamayan,” dagdag ni Garafil.
Siniguro rin ni Marcos ang tulong para sa mga magsasaka at sektor ng agrikultura para makabangon sa mga dumaan na kalamidad.
Nangako ang Pangulo na “mamumuhunan sa mga makabagong teknolohiya hindi lamang para makamit ang food security, kundi para mas tumaas ang kapasidad ng mga komunidad at negosyo na labanan ang mga bantang dala ng klima.”
Prayoridad ng administrasyong Marcos na ayusin ang water resource management system ng bansa, habang pinapawagan ang pagtatag ng Department of Water Resources.
Ang naitalang 7.7 percent inflation rate ay halos kasing taas ng 7.8 percent inflation naitalang noong December 2008 sa kabila ng 2008 Financial Crisis.
Siniguro ng gobyerno na nasa loob pa rin ng target ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang 7.1 percent hanggang 7.9 percent inflation ang naitalang inflation ngayong Oktubre, ayon kay Gerafil.
Paliwanag ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang mataas na inflation ay bunsod ng sitwasyon sa ibayong dagat, kabilang ang pagsipa ng global inflation, patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, at epekto sa pandaigdigang ekonomiya ng Covid-19 pandemic; at mga krisis na kinakaharap ng ating bansa gaya ng pinsalang dulot ng magkasunod na bagyo.
Photo Credit: Facebook/opgovph