Pinuri ni House Ways and Means Chair Joey Salceda ang pag-apruba ng Kamara sa House Bill No. 10985, na naglalayong bigyan ng mas maraming job opportunity ang mga senior citizen. Ang panukala ay nag-aalok ng mas mataas na tax deduction para sa mga kompanyang kumukuha ng senior employees, mula 10 percent naging 25 percent . Bukod dito, ipagpapawalang-bisa na rin ang mga bayarin para sa mga clearance at iba pang mga government document na kinakailangan ng mga senior jobseeker.
“Senior Citizens who wish to continue working benefit immensely from gainful employment. And the companies that hire them benefit from their experience, wisdom, and accumulated years of expertise. They also have excellent work ethic,” ayon sa mambabatas.
Aniya, malaking benepisyo ang hatid ng trabaho para sa mga senior citizen, dahil bukod sa kanilang karanasan at dedikasyon sa trabaho, magpapasigla ito sa ekonomiya.
Bilang chairman ng House tax committee, si Salceda rin ang nagsulong sa panukalang itaas ng mga tax benefit para sa mga kumpanyang tatanggap ng mga senior citizen bilang empleyado nito.
Ayon sa kongresista, maraming seniors ang nais magpatuloy sa pagtatrabaho dahil sa kakulangan ng kanilang mga pension benefit. Aniya, hindi sapat ang Social Security System ng bansa para tugunan ang pangangailangan sa pagtanda. Dagdag pa ni Salceda, dapat bukas ang oportunidad para sa mga senior na gusto ng dagdag kita.
Sinabi rin niya na bahagi ang panukalang ito ng mas malawak na reporma upang tulungan ang mga senior. Kasama dito ang pagpapahintulot ng Department of Labor and Employment na maisali ang mga senior sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o Tupad program at ang pagpapalakas ng mga job retraining program para sa kanila.
Idiniin ng mambabatas na performance-based ang benepisyo ng panukala. “I championed this proposal because it is also performance based. The revenue losses only come if the companies actually hire seniors,” aniya.
Photo credit: Facebook/@NCSC.Philippines.OfficialPage/