Sa isang tila pagtugon sa mga akusasyon ni Davao City Mayor Baste Duterte laban sa kanya, binigyang-diin ni Senador Bong Go na ang kanyang atensyon ay nakatutok sa kapakanan ng lahat ng mamamayang Pilipino.
Nauna nang binatikos ni Duterte si Go sa aniya ay pananatiling tahimik ng mambabatas sa mga isyung nakakaapekto sa Davao City.
Sa nakaraang prayer rally sa Pampanga, ipinakita ni Duterte ang kanyang pagkadismaya kay Go matapos aniya ay magkibit-balikat lang ang senador sa nasabing isyu sa Davao City.
Aniya, para bang wala silang pinagsamahan sa kanyang ipinapakita. “Ikaw Bong Go, kumpare kita. Pero kung alam ko lang pala na magkakaganito, you know, ‘yung mga tao, kaming mga Davaoeño nagboto kami sa iyo. Kung alam ko na lang na ganito lang pala ‘yung gagawin mo, sana hindi na lang.”
“Gaya ng parati naming sinasabi, there is always a time for everything. Ito ang panahon para mas lalong unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Go sa isang pahayag sa social media, na binibigyang-diin ang kanyang pagtuon sa national interests kasya sa local disputes.
Sa pagsasaalang-alang sa payo ni ng tatay ni Mayor Baste na si dating pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng mambabatas na, “Tulad ng payo ni FPRRD sa akin mula noon hanggang ngayon: Gawin ang tama, gampanan ang tungkulin sa bayan, at unahin ang interes ng mga Pilipino.”
Ipinahayag din ni Go ang kanyang suporta sa pamilya Duterte at sa kanyang mga kapwa Davaoeño, sa kabila ng tensyon sa kanila ni Mayor Baste.
“I support the Dutertes and my fellow Davaoeños dahil ako ay isang Dabawenyo. Ang pamilya ko ay galing sa Batangas. Lumaki rin ako sa Metro Manila. Bisaya rin ako. At itinuturing ako na adopted son ng maraming munisipyo, lungsod at probinsya,” aniya.
Inulit ng senador ang kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko at adbokasiya para sa karapatan ng lahat ng Pilipino.
“Patuloy akong magmamalasakit at magseserbisyo sa inyo. Higit sa lahat, patuloy kong ipaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipino,” aniya.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/rodyduterte