Binatikos ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang isang “fake expert” na umano’y nagpapakalat ng maling impormasyon at nagpapakulo ng isyu tungkol sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Tingog Party-list, Philippine Health Insurance Corp., at Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pagpapagawa ng mga ospital at medical facility sa buong bansa.
Sa isang privileged speech, dinepensahan niya ang MOA laban sa mga paratang ni Dr. Tony Leachon, na nagsabing ang naturang kasunduan ay may isyu sa legalidad at ginagamit para sa layuning pampulitika.
Ani Garin, layunin ng kasunduan na tugunan ang kakulangan sa mga ospital sa bansa. Sinabi niyang hindi dapat ginagawang larangan ng pulitika ang kalusugang pampubliko.
“We should stop politicizing public health…While doctors are busy working in their clinics, those in the academe are busy mentoring their students, and scientists who are busy in the field and their laboratories. There are just some who love chaos and cannot live if they don’t create chaos pretending to be experts in every aspect of the medical field, where in reality, they just want to grab airtime,” ayon sa mambabatas, na dati ring naging Health secretary.
Hinamon din niya ang mga kritiko ng MOA na tumulong sa sektor ng kalusugan kaysa puro paninira ang ginagawa.
“Hindi bawal tumulong. ‘Yung mga nagpapanggap na eksperto, lumantad kayo at tumulong para solusyunan ang mga problema natin sa kalusugan ngayon,” dagdag ni Garin.
Binigyang-linaw niya na ang kasunduan ay may layuning suportahan ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng fiscal training, capacity-building, at pagpapadali sa pag-access ng mga financial mechanisms ng Development Bank of the Philippines (BDP). Nilinaw niya na walang pondo na ipinapasa sa Tingog Party-list at ang mga transaksyon ay direktang ginagawa sa pagitan ng DBP at Lokal na pamahalaan.
Photo credit: Facebook/DrTonyLeachon, Facebook/HouseofRepsPH