Walang anomalya, walang butas! Ito ang matapang na pahayag ni Marikina City Second District Rep. Stella Luz Quimbo kaugnay sa mga alegasyon hinggil sa 2025 General Appropriations Act.
Sa inilabas niyang opisyal na pahayag, tiniyak ni Quimbo na ang budget na ito ay “lawful, valid, at fully enforceable.” Mariin niyang nilinaw ang dalawang mahahalagang puntos upang patunayan ang pagiging malinis at kumpleto ng pambansang pondo:
- Kompleto ang budget – Ayon sa mambabatas, walang “blank allocations” sa mahigit 235,000 line items ng enrolled General Appropriations Bill.
- Pinahintulutan ng Bicameral Committee ang corrections – Aniya, malinaw na nasa Bicameral Report ang awtoridad ng Senado at Kamara na gumawa ng mga technical corrections na hindi naman nakakaapekto sa integridad ng budget.
“Makikita po ng lahat ito. Walang tinatago,” giit niya, na sinabing naging publiko ang buong dokumento ng General Appropriations Bill upang makita ng sambayanan ang katotohanan.
Pinabulaanan din ni Quimbo ang mga alegasyong may iregularidad sa budget, na tinawag niyang “unfounded and appears to be politically motivated” Ayon pa sa kanya, mas dapat unahin ng lahat ang mga mas malalaking isyu ng bansa imbes na lumikha ng kontrobersya sa usaping matagal nang naipaliwanag.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH