Suspendido ng anim buwan si Mayor Jing Capil ng Porac, Pampanga, kasama ang 10 pang opisyal dahil sa umano’y kapabayaan kaugnay ng operasyon ng Lucky South 99, isang Philippine offshore gaming operator (POGO) na sangkot umano sa mga ilegal na gawain.
Si Capil ang ikalawang mayor na sinuspinde ng Ombudsman ukol sa mga illegal na POGO.
Bukod kay Capil, sinuspinde rin si Vice Mayor Francis Laurence Tamayo, pati na ang officer in charge ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), na si Emerald Vital. Supendido din sina municipal Councilors Rohner Buan, Rafael Canlapan, Adrian Carreon, Regin Clarete, Essel Joy David, Hilario Dimalanta, Michelle Santos at John Nuevy Venson.
Sinasabing pinayagan nilang makakuha ng mga business permit ang POGO hub kahit na expired na ang lisensya nito mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. at may mga violations.
Sa order nito, sinabi ng Ombudsman na ang kawalan ng “Letter of No Objection” mula sa nasabing mga opisyal laban sa operasyon ng Lucky South 99 at ang report mula sa Philippine National Police (PNP) ukol sa suspected criminal activities sa compound ng Lucky South 99 ay sapat ng batayan para sa suspension order.
“(G)iven the respondents’ power and authority, there is strong probability that they may influence witnesses or tamper with any evidence material to the case, and in order likewise to prevent any case of malfeasance and/or misfeasance, hence this Preventive Suspension,” dagdag pa nito.
Matatandaang inireklamo ng mga Chinese national ang nasabing POGO sa kasong human trafficking at sapilitang pagtatrabaho, na nagresulta sa raid na pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Mahigit 200 katao, kabilang ang mga Chinese at Southeast Asian nationals, ang nasagip.
Bukod pa rito, iniulat ng PAOCC na may natuklasan silang posibleng libingan sa loob ng pasilidad ng Lucky South 99, na nagpapakita ng mas malalim na katiwalian at krimen na nangyayari sa loob ng Pogo hub.
Photo credit: Facebook/PublicInformationOfficePorac