Inilabas ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang isang web diagram na nag-uugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kontrobersyal na Philippine offshore gaming operators (POGOs). Si Duterte ay itinuro bilang nasa itaas ng network, na konektado kay Michael Yang, ang dati niyang economic adviser na sinasabing sangkot sa mga operasyon ng Chinese intelligence sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, ang administrasyong Duterte ang nagbukas ng pintuan para sa POGOs na aniya’y naging “Trojan horse” na nagdala ng mga problema tulad ng korapsyon, money laundering, at iba pang krimen.
Binanatan niya si Yang, na naiugnay sa Pharmally scandal at umano’y drug operations. Pinakita rin ng mambabatas ang litrato ni Yang kasama si She Zhijiang, isang Chinese POGO operator na may kaugnayan din kay Alice Guo, ang natanggal na mayor ng Bamban, Tarlac.
“Michael Yang is a key actor in Chinese intelligence operations here. Michael Yang na sangkot sa Pharmally, and if the reports are accurate, sa drug operations dito. Michael Yang na economic adviser ng dating Pangulo. Ginatasan na tayo, pinagtaksilan pa,” aniya.
Patuloy na binubuo ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang kanilang ulat na maglalaman ng mga rekomendasyon para mas palakasin ang mga polisiya laban sa pang-aabuso sa civil registration, immigration, money laundering, at national security.
Tiniyak ni Hontiveros na ang lahat ng ebidensya mula sa imbestigasyon ay handang ibahagi sa korte upang makatulong sa mga susunod na hakbang.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/officialpdplabanph