Kahit tanggalin sa pwesto at ipagbawal sa gobyerno, puwede pa ring pagbayarin si Vice President Sara Z. Duterte sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan.
Ito ang iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sa isang press briefing nitong Biyernes.
Ayon kay Chua, bagaman limitado ang parusa ng impeachment court sa pagtanggal sa puwesto at diskwalipikasyon sa public office, maaari pa ring maharap si Duterte sa kasong kriminal at administratibo na maaaring mag-utos sa kanyang ibalik ang perang ginamit nang mali.
“Once na-convict na po siya sa impeachment, pupuwede naman pong kasuhan sa Ombudsman ang ating Vice President dito po sa mga kasong ito,” ani Chua.
Idiniin ni Chua na malinaw sa Saligang Batas na dalawa lang ang maaaring ipataw na parusa sa impeachment.
“Sa atin po kasing Saligang Batas, dalawa lang ang magiging desisyon ng impeachment court,” paliwanag niya.
Matibay Na Ebidensya Laban Kay VP Sara
Kumpiyansa si Chua na may matibay silang ebidensya laban kay Duterte, kabilang ang mga opisyal na dokumento tungkol sa paggamit umano ng confidential funds, kung saan may lumutang pang mga pekeng pangalan gaya ng “Mary Grace Piattos.”
“Solid ‘yung evidence natin. In fact, mayroon na rin tayong mga documentary evidence like ‘yung PSA report, so lahat naman ‘yan ay intact,” ani Chua.
Babala Sa Pag-antala Ng Impeachment Trial
Nagbabala rin si Chua na maaaring maapektuhan ang integridad ng ebidensya at seguridad ng mga testigo kung tatagal pa ang impeachment trial.
“But at the end of the day, siyempre habang tumatagal ‘yan, hindi natin malalaman at hindi natin masisiguro na walang mga pagbabago sa mga ‘yan,” aniya.
Bukod dito, posible rin umanong magdulot ng matinding stress at takot sa mga testigo ang pagkaantala ng paglilitis.
“Kaya kami, hangga’t maaari, mas maganda masimulan na, nang sa ganun matapos na rin ‘yung anxiety at ‘yung fear at uncertainty ng mga testigo namin,” dagdag pa ni Chua.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH, Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial