Matapos ang 2022 General Elections sa Pilipinas, isang pag-aaral ang nagbigay liwanag sa lawak ng covert political campaigning sa pamamagitan ng social media sa Pilipinas at isiniwalat na ang mga nangungunang kandidato ay gumastos ng tinatayang P600 milyon hanggang P1.5 bilyon sa mga influencer.
Ang pag-aaral na pinamagatang “Political Economy of Covert Influence Operations in the 2022 Philippine Elections,” na isinagawa ng isang grupo ng mga Pilipinong researcher, ay natuklasan ang unaccounted political spending sa mga influencer sa panahon ng halalan.
Gumamit ang pag-aaral ng interdisciplinary, multi-method approach na pinagsama ang qualitative fieldwork, computational method, at economic modeling para maunawaan ang laki at saklaw ng paggamit ng mga influencer sa mga political influence operations.
Tinutukan ng mga researcher ang 1,425 influencer account sa mga sikat na platform gaya ng YouTube, TikTok, Facebook, at Twitter, at natukoy nila ang mga mapanlinlang at manipulative strategies na ginagamit ng mga account na ito, kabilang ang coordinated efforts at pagsusulong ng conspiratorial content.
Karamihan sa mga influencer na sangkot sa covert political campaigning ay nakitang aktibo sa video-based, creator-friendly na mga platform tulad ng YouTube at TikTok, kung saan kulang ang mga regulasyon hinggil sa extreme political speech at covert influence campaigns.
Inihayag din ng pag-aaral na walang standard rate para sa mga influencer sa naturang mga kampanya. Mula sa libo hanggang milyon-milyong piso, malaki ang pagkakaiba ng kanilang rate depende sa mga factor gaya ng kanilang social capital, political notoriety, at kakayahang isulong ang agenda ng kanilang mga kliyente.
Habang ang karamihan sa mga influencer ay “hired on an ad hoc basis,” ang mga kilala naman ay nasa payroll ng mga pulitiko. Premium naman ang inaalok sa mga nagpapalit ng susuportahang kandidato sa kasagsagan ng kampanya.
Gamit ang data-informed assumptions at industry rates, tinataya ng mga researcher na ang mga nangungunang kandidato ay gumastos ng napakalaking halaga mula P600 milyon hanggang P1.5 bilyon sa mga influencer.
Ayon sa mga researcher, mahalagang tandaan na hindi kasama sa estimate na ito ang platform monetization, isa pang revenue stream para sa mga influencer na konektado sa covert political campaigning
Ang lead researcher ng pag-aaral na si Fatima Gaw mula sa Northwestern University, nakipagtulungan sa team ni Jon Benedik Bunquin mula sa University of Oregon at UP Diliman, Samuel Cabbuag mula sa Hong Kong Baptist University at UP Diliman, Jose Mari Lanuza mula sa University of Massachusetts sa Amherst at UP Manila, Noreen Sapalo mula sa UP Diliman, at Al-Habbel Yusoph mula sa Bocconi University. Ang pag-aaral ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Internews sa ilalim ng Six-Track Engagement Against Disinformation Initiative (STEAD-i).