Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kauna-unahang Pride Reception sa Office of the Vice President, na nagmarka sa isang makabuluhang hakbang patungo sa pagkilala at pagsuporta sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, and Intersex (LGBTQI+) community.
“Kinikilala natin ang mga kakayanan at katangian ng ating mga LGBTQI+, at hangad natin ang proteksyon ng kanilang mga karapatan at ang buong pagtanggap sa kanilang sektor bilang kabahagi ng paghubog ng bansa,” aniya sa social media.
Bilang pagkilala sa natatanging kakayahan at katangian ng mga LGBTQI+ individuals, iniabot niya ang tulong pangkabuhayan sa ilalim ng programang Mag Negosyo Ta ‘Day (MTD) sa iba’t ibang organisasyon.
Kabilang ang Alima LGBT Federation mula sa Pagadian City, Zamboanga del Sur; Palauig LGBT Federation mula Palauig, Zambales; Maris ti Ayat LGBT Federation ng Vigan City, Ilocos Sur, at Philippine Federation of Local Councils of Women sa mga organisasyong nakatanggap ng tulong.
Ang MTD, isang proyekto ng Office of the Vice President, ay naglalayon na itaas ang socio-economic status ng mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapital at pagsasanay upang mapalago ang kanilang negosyo.
“Sakop ng MTD ang mga kababaihan, miyembro ng LGBTQI+, at mga organisasyong interesadong magsimula ng negosyo,” pagdidiin ni Duterte.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial