Tila preview ng 2028 national elections ang nangyari sa kamakailang budget hearing ng Department of Education (DepEd) sa Senado matapos magbasagan tungkol sa voluntary contributions sa Parent-Teacher Associations (PTAs) ang mga nangungunga sa 2028 presidential bets na si Vice President at Education Secretary Sara Duterte at Senador Raffy Tulfo.
Sa nasabing hearing para sa P758.6-bilyong proposed budget ng DepEd para sa susunod na taon, pinuna ni Tulfo ang kontrobersyal na isyu ng voluntary contributions sa PTAs. Nagpahayag siya ng pagkabahala tungkol sa pressure na kinakaharap ng mga magulang at mag-aaral na napipilitang mag-ambag ng pera sa PTAs, kahit hinid nila kaya.
Pahayag ng mambabatas, “Ang mga magulang ng mga estudyante na walang-wala, napipilitan [because of] peer pressure… ‘Yung mga hindi nagvo-volunteer, binabagsak [sa klase]. ‘Yung mahilig mag-contribute, mataas ang grado at honor students pa. Kaya ilan sa mga magulang na ito, napipilitang dumiskarte para makapagbiagy ng voluntary contributions daw.”
Hinimok din niya ang mga opisyal ng DepEd na magkaroon ng proactive stance sa usapin, at sinabing, “Ang request ko, pagsabihan nyo po, na kapag may PTA meeting, dapat wala nang pag-usapan na tungkol sa contributions. Dapat ang pag-uusapan lang po sa lahat ng PTA meeting … i-require nyo po ay tungkol lamang sa academic performance ng estudyante o yung problema ng estudyante.”
Bilang tugon, iminungkahi ni Duterte ang legislative action, at sinabing, “Pwede po kayong gumawa ng batas na ipagbawal ang voluntary contribution sa mga PTAs and then pwede po nating i-implement ‘yan, may penalties ang teacher o parent na mag-insist ng voluntary contribution.”
Binigyang-diin din niya na ang PTA ay isang voluntary association kung saan ang mga desisyon at proyekto ay ginagabayan ng nakararami.
“Hindi lang po PTA,” dagdag ni Duterte, “we have NGOs, we have private sector donors who partner with our public schools sa mga specific projects nila in certain schools. Ganito po din yung ating mga PTA, pinag-iisipan po ng tecahers and parents kung paano sila makakatulong doon sa eskwelahan para sa pag-aaral ng mga bata. But then again, as I’ve said, these are voluntary contributions. Pwede po nating ipagbawal, gagawa po tayo ng batas para mayroong penalty.”
Kinilala naman ni DepEd Undersecretary Revsee Escobedo ang isyu, at sinabing, “May existing policy ang Department of Education as regards to ‘no collection policy”’ because tama po ang nabanggit ni Senador Tulfo that we have school MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses). Kabilang na dito kung ano ang mga needs ng mga teachers, including repairs and payment for electricity. We also recognize that may mga PTAs na nag-iimpose ng mga contributions because they are saying that they are private organizations.”
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial, Facebook/senateph