Hindi pa rin nagbabago ang matinding pagkontra ng Senado sa mga hakbang ng House of Representatives para sa Charter reform, ayon kay Rep. Rufus Rodriguez.
Ayon sa kanya, natuklasan nila na mahigit na 34-35 taon nang tumututol ng Senado sa mga pagbabago sa Konstitusyon, na mula sa 8th Congress hanggang sa kasalukuyang 19th Congress. Sinabi ni Rodriguez na ang pagtutol ng Senado sa mga constitutional amendments ay nagiging sagabal sa potensyal na pag-unlad ng ekonomiya.
“They have held hostage reforms that could have accelerated our economic growth, generated more investments and created more income and job opportunities for our people.”
Ibinunyag din ng kongresistang mula sa 2nd District ng Cagayan de Oro City na ang matinding pagkontra ng Senado ang nag-udyok sa ilang kongresista na suportahan ang mga people’s organizations sa pagsusulong ng people’s initiative, isang direkta at popular na paraan para sa pagbabago sa Charter na hindi dumadaan sa Senado.
Bagaman may kanya-kanyang pag-aalinlangan, kinikilala rin niya na ang patuloy kawalan ng aksyon ng Senado ay maaaring mag-udyok sa karamihan na suportahan ang alternatibong paraan na ito.
Ang House committee on constitutional amendments, na pinamumunuan ng mambabatas, ay nagbigay ng data na nagpapakita ng kabuuang 358 na mga hakbang para sa Charter change mula 8th Congress hanggang 19th Congress. Kasama rito ang mga panukala sa pamamagitan ng constituent assembly (con-ass), constitutional convention (con-con), at Congress separate sessions.
Sa kabila ng maraming pagtatangkang ito, dalawang beses lamang tumugon ang Senado sa mga hakbang para sa Charter reform mula 12th at 14th Congress. Ngunit, iginiit niya na ang tugon ng Senado sa mga pagkakataong ito ay hindi rin nagresulta sa pag-apruba ng mga inihain na amyenda. Ipinunto ni Rodriguez na ang Kamara ay patuloy na sumusunod sa bicameral system, nagpapadala ng kanilang mga panukala sa Senado, ayon sa alituntunin.
“Our patience is fast running out. They cannot stop our constituents from launching a people’s initiative as their last resort to effect constitutional reform,” pagdidiin niya.
Sa kasalukuyang Kongreso, ipinasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagsusulong ng constitutional convention para sa mga amyenda, kasama ang House Bill No. 7352 na nagpapatupad ng RBH No. 6. Bagaman may malakas na suporta sa Kamara, ibinunyag ni Rodriguez na hindi pa rin pinansin ng Senado ang mga ito.
Photo credit: House of Representatives Official Website