Maaaring humarap sa kaso ng paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) si dating pangulong Rodrigo Duterte kaugnay nang kanyang mga pag-amin sa House quad committee hearing ukol sa war on drugs noong kanyang administrasyon.
Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na may task force na silang binuo para tutukan ang pananagutan ng dating presidente at iba pa sa pagkamatay ng libu-libong drug suspects.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, si Duterte ay kabilang sa mga iniimbestigahan sa ilalim ng Republic Act (RA) 9851, ang batas na tumutukoy at nagpaparusa sa mga krimen laban sa IHL, genocide, at iba pang crimes against humanity. “IHL ang ating pinupuntirya ngayon. Ito ang parehong batas na sinusuri ng ICC [International Criminal Court],” aniya.
Sa ilalim ng RA 9851, ang parusa para sa nasabing krimen ay maaaring umabot ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong at multa na hanggang P1 milyon.
Bagamat hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas, sinabi ni Remulla na may kakayahan pa rin ang bansa na litisin ang mga krimen sa ilalim ng prinsipyo ng complementarity, kung saan may pangunahing hurisdiksyon ang estado na ituloy ang kaso.
Kasama rin sa imbestigasyon ang mga natuklasan sa pagdinig sa House of Representatives, kabilang ang testimonya ng retired police officer na si Royina Garma. Si Garma, na nagtatrabaho noon sa Davao sa ilalim ni Duterte, ay naglahad ng sistema ng insentibo para sa mga pumatay ng mga itinuturing na drug personalities.
Binanggit din ni Remulla na posible nilang habulin ang mga ari-arian ni Garma sa ilalim ng Magnitsky Act ng Estados Unidos at siya’y i-repatriate sa tulong ng Mutual Legal Assistance Treaty.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph