Isinusulong ni Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman na paigtingin ang batas at regulasyon para sa proteksyon ng mga biyahero sa mga barko.
Sa isang pahayag, binanggit ni Hataman na plano niyang maghain ng resolution sa House of Representatives para sa pagsusuri ng kasalukuyang maritime laws, karaniwang carrier statutes at mga batas at regulasyon sa operasyon ng mga sasakyang pandagat.
“Higit sa lahat, nais nating malaman kung paano ito maiiwasan sa susunod. Are the laws and regulations concerning seas vessels ferrying passengers not enough to protect our passengers? Or does the problem emanate from their implementation?” tanong ng mambabatas.
Ito ay matapos ang sunog na naganap sa MV Lady Mary Joy 3 noong Marso 29 sa Basilan kung saan namatay ang 31 na pasahero nito.
“Nais nating malaman kung ano ba ang pinagmulan ng trahedyang ito. Saan nagsimula ang sunog? Sino o ano ang responsable? Bakit hindi naagapan agad? Bakit kulang sa response ang mga kawani ng barko? Sea-worthy ba ang ferry? At bakit umabot sa lagpas tatlumpo ang namatay?” tanong ni Hataman.
Ang MV Lady Mary 3 ay papuntang Jolo, Sulu mula sa Zamboanga City nang nagsimula ang sunog sa Baluk-Baluk Island sa Hadji Muhtamad, Basilan. Kasunod ng sunog, nagsagawa ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Bureau of Fire Protection ng search and rescue operations kasama ang lokal na pamahalaan.
“Hanggang ngayon, marami pang pasahero ang patuloy na hinahanap ng Coast Guard. Many are still unaccounted for. We owe it to their families that these missing passengers are found. At marapat lamang na gumawa tayo ng hakbang para hindi ito maulit,” idiniin ni Hataman.
“Buhay ng tao ang nakasalalay sa ating mga susunod na hakbang. We should make the inquiry as comprehensive as possible to plug all the holes in legislation and in implementation. Para din mabigyan ng hustisya ang mga namatay sa trahedyang ito,” dagdag niya.
Photo credit: Facebook/DILGBFP