Tinutulan ni OFW Party-List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang proposal na alisin ang party-list system na inihain sa Senate Committee ng Constitutional Amendments and Revision of Codes na pinangungunahan ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla bilang chairman ng komite.
Ayon kay Padilla, dapat alisin ang party-list system at palakasin ang party system para mabawasan ang kalakarang pagboto ng mga Pilipino sa mga kandidatong sikat o mayaman.
Pahayag naman ni Magsino, nakasaad sa Saligang Batas ang saysay ng party-list system na palawakin ang democratic base para sa representasyon sa pamahalaan.
“Gayunpaman, kung mayroong mga nakikitang pagkukulang sa umiiral na batas, ito ay maaaring pag-usapan. Sa demokratikong espasyo, maaaring ipanukala ang mga nais na susog na tunay na sasalamin sa layunin ng ating Saligang Batas at ng Party List System Act na bigyan ng sapat na tinig sa pamahalaan ang mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.”
Ang pagpapawalang bisa ng Republic Act (RA) 7941 o Philippine Party-List System at pag-aalis ng provision sa Saligang Batas ay masyadong mabigat, aniya. Dagdag ng mambabatas na hindi dapat alisin ang system, at dapat sumailalim sa reporma ang batas.
Photo credit: Facebook/OFWPartylist