Nanawagan ang Chair ng Labor and Employment at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles sa gobyerno na dapat magkaroon ng mas maraming panukala at magkaroon ng mas maraming kakampi laban sa child labor sa bansa.
“More and more children are being forced to work since the pandemic. We need to exhaust more measures and enlist more allies so we can protect our children from the dangers of child labor and exploitation,” aniya sa isang pahayag.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang bilang ng mga child laborer sa bansa ay lalong dumami noong 2021. Base sa kanilang datos, 1.37 million na kabataan na 5 hanggang 17 taong gulang ang nagtatrabaho. Mas mataas ito kaysa sa 872,333 na kabataan na nagtatrabaho noong 2020.
Dagdag ng PSA na 62.8 porsyento o 858,000 na kabataan ay lalaki, at 37.2 porsyento o 508,200 ay babae.
Ang sektor ng agrikultura ang naitala na may pinakamalaking bilang ng kabataang nagtatrabaho na may 45.7 porsyento. Kasunod nito ang services na sektor na may tinatayang 45.4 porsyento ng kabuuang child laborers.
Ipinunto ni Nograles na kinakailangang siyasatin ulit ang mga kasalukuyang panukala na nagbibigay proteksyon sa kalagayan ng kabataan, lalo na ang Republic Act (RA) 9231 o ang “Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child.”
“Kailangan nating matingnan kung sapat pa ba ang mga batas natin upang maitaguyod ang kapakanan ng mga bata kontra sa child labor,” aniya.
Dagdag ng mambabatas na magkakaroon ng pagpupulong kasama ang mga stakeholders para pag-usapan kung anong panukala ang maaaring isulong at ipatupad para matugunan ang isyu.
“Hindi lang ito usapin ng batas. Ang kailangan natin dito ay multi-sectoral approach. Nananawagan ako hindi lang sa pamahalaan, kundi pati na rin sa mga partner natin sa private sector, academe, non-government organizations, at mismong mga komunidad natin na makipagtulungan at makipagkaisa kontra sa child labor,” aniya.
“Ang mga bata, dapat nag-aaral at naglalaro, hindi nagtatrabaho, upang lumaki silang kayang abutin ang rurok ng kanilang potensyal,” dagdag ni Nograles.
Photo credit: International Labour Organization Official Website