Pinuri ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang Department of Education (DepEd) sa plano nitong pagbibigay ng legal at pinansyal na payo sa mga guro upang ma-i-iwas silang mabiktima ng mga loan shark.
“Magandang hakbang ang planong ito ng DepEd sa pangunguna ni Vice President Sara Duterte upang maprotektahan ang ating mga guro laban sa mga loan shark at iba pang mapang-abusong uri ng pagpapautang,” aniya sa isang pahayag.
Inanunsyo kamakailan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kasalukuyang pakikipag-ugnayan ng departamento sa mga lawyer groups at iba pang institusyon para magbigay ng libreng konsultasyon sa mga loan contract na maaari nilang pirmahan.
Binanggit rin ni Nograles, na pinamumunuan ang House Committee on Labor and Employment, na ang aksyon ni Duterte ay makakapag-bigay ng sapat na kaalaman sa mga guro bago sila pumirma ng loan contract.
“Dahil sa kagipitan, marami sa ating mga guro ang pumipirma ng mga kontratang ikapapahamak nila para may pangtustos sa kanilang pamumuhay, o ‘di kaya’y uutang para pambayad sa iba pang utang. We have to implement steps to ensure that their vulnerability is not taken advantage of by predatory lenders,” aniya.
Noong Disyembre, nagbigay ng memorandum ang DepEd kung saan ipinagbabawal ang private lender at loan shark na hindi konektado sa ahensya na mangolekta ng bayarin at designated payout sites ng one-time service recognition incentive sa mga guro ng mga pampublikong paaralan at mga empleyado.
Ayon sa DepEd, umabot ng P157.4 billion ang outstanding loans at accrued interest ng mga guro sa Government Service Insurance System (GSIS) noong 2019.
Photo credit: PTV News Official Website