Nagpahayag ng pasasalamat si Nueva Ecija Fourth District Representative Emeng Pascual sa mga taong nagbigay ng suporta sa paglikom ng pondo para sa life-saving liver transplant ng isang bata. Si Pascual mismo ay nagbigay ng P1 milyon mula sa sarili niyang pera para sa operasyon ng bata.
Ang nasabing bata, na isang taon at walong buwang gulang pa lamang, ay lubhang nangangailangan ng transplant, na nagkakahalaga na P1.6 milyon.
“Ipapadala ko po siya sa India para doon siya magpagamot. Ang problema niya kasi ay kailangan [niya] ng liver transplant. Kung dito po sa Pilipinas, limang milyon ang mauubos. Samantalang sa India, P1.6 million lang,” pahayag ni Pascual sa kanyang social media page.
“Ang kaya ko lang pong ibigay sa sarili kong pera ay kalahating milyon. Kaya nanawagan ako sa inyong lahat na kung pwede ay magbenta ako ng pizza. At marami ang bumili… ang napagbentahan namin ay P397,000, gross yon,” aniya.
Sa kabuuan, masayang iniulat ng mambabatas na umabot sa P1,015,000 ang kabuuang pondong nakalap. Ito ay mula sa sariling niyang pera, mga napagbentahan ng pizza at mga may mabubuting loob na Pilipino sa abroad na nagpadala ng tulong.
Sa kabila ng kakulangan pa rin na P542,000, tiniyak ng mambabatas sa lahat na personal na niyang aakuin ang kulang na halaga.
“Kulang pa po ng P542,000. Walang problema ‘don, ako na pong bahala ‘don. Unang una, maraming maraming salamat po sa suporta na binigay nyo … Isang taon at walong buwan, inaagaw lang po natin sa kamatayan ito.”
“Ngayon, may visa na sila at ibibili ko na lang sila ng plane ticket at pwedeng na silang pumunta doon at ooperahan na ang bata. Gaano kasarap [sa pakiramdam] na … lahat tayo nakagawa ng maganda?,” aniya.
Maluha-luhang namang nagpahayag ng pasasalamat si Cherry Pineda, ina ng bata, sa lahat ng mababait na tao na tumulong sa pagsagip sa buhay ng kanyang anak. Partikular niyang pinasalamatan si Pascual para sa kanyang napakalaking suporta.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng tumulong sa amin. Madadagdagan na po ang buhay ng anak ko, maooperahan na po. Lalong lalo na kay Congressman Emeng Pascual po, maraming maraming salamat po. Dahil po sa kanya madudugtungan ang buhay ng anak ko. Bahal na po ang panginoon na magbalik po sa inyo,” aniya.
Photo credit: Facebook/profile.php?id=100044296426462