Sa hangarin na mas mapagsilbihan ang mga nasasakupan sa Fourth District ng Nueva Ecija, inihayag ni Representative Emeng Pascual ang matagumpay na pagpapatayo niya ng bagong one-stop-shop office sa Gapan City na naglalayong tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.
Sa isang video na inilabas sa kanyang official social media page, sinabi ni Pascual na ang opisina ay bukas tuwing Biyernes at Sabado mula 6:00 ng umaga at magbibigay ng mga serbisyo at pasilidad upang tulungan ang mga residente sa kanilang mga alalahanin.
“Ang magandang balita pa, ang bagong opisina natin ay tapos na po … para tuwing araw ng Biyernes at Sabado, lahat ng may problema [maaring pumunta upang] hindi na tayo maghahanapan,” anunsyo niya.
Ayon sa mambabatas, ang mga taga Fourth District ng Nueva Ecija ay maaari ring dumulog sa mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development at Overseas Workers Welfare Administration. Dagdag pa rito, mayroon ding mga abogado at libreng notary services upang magbigay ng legal na tulong sa mga maaaring nahaharap sa mga problema sa batas.
Pagdating naman sa healthcare, may mga doktor din sa one-stop-shop na makapagbibigay ng agarang medikal na atensyon at mga kinakailangang gamot sa mga nangangailangan.
“Basta po araw ng Biyernes at Sabado, [simula] alas sais po ng umaga kahit abutin tayo ng hating-gabi, di po ako aalis doon. Lahat po ng kailangan nyo, nandoon ako para di na tayo naghahanapan,” pagdidiin ni Pascual.
Photo credit: Facebook/profile.php?id=100044296426462