Isinusulong ni ACT-CIS Party-List Representative Jocelyn P. Tulfo ang agarang pagpapatupad ng House Bill (HB) No. 7325 o ang “Magna Carta of Filipino Seafarers” na aprubado sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives.
Isa si Tulfo sa mga primary proponent at taga-suporta ng panukala simula noong 18th Congress habang siya ay naninilbihan bilang vice-chairman ng Committee on Overseas Workers Affairs.
“Ang Magna Carta for Filipino Seafarers ay isa sa mga pinakamahahalagang batas na dapat maipasa para sa kapakanan ng ating mga kababayang marino at OFW. We have been fighting for the passage of this bill since last Congress and we hope that it will be passed into law soon,” pahayag niya.
Dagdag ng mambabatas na ang Magna Carta For Seafarers ay kinakailangan para sa proteksyon ng mga karapatan at kaligtasan ng mga seafarer.
“Marami sa ating mga kababayang seafarers ang nakakaranas ng pang-aabuso lalong-lalo na sa abroad. Importante na masiguro na kung ano man ang mga karapatan afforded to our Filipino seafarers domestically ay masasaklaw din ang mga nagtatrabaho internationally. Napakahirap para sa kanila na humingi ng tulong sa Pilipinas once they leave the country and travel around the world for months,” aniya.
Idiniin rin ni Tulfo ang proteksyon ng mga kababaihang seafarer.
“Women in particular should also be recognized as one of those playing a vital role in the maritime industry. Marami pa din sa ating babaeng seafarers ang nakakaranas ng diskriminasyon sa kanilang propesyon. Gaya ng karapatan ng mga kababaihang empleyado sa Pilipinas, we need to ensure that women seafarers are also afforded equal rights and employment opportunities without any bias or prejudice against our gender,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, ang mga Pilipinong seafarer ay magkakaroon ng sapat na proteksyon sa mga public health emergency, access sa sapat na medical care, mandatory social security at insurance coverage.
Photo credit: Facebook/MarinoPartylist