Bilang tugon sa pag-akyat ng bilang ng mga nagpapakamatay sa nakalipas na ilang taon, naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na humihiling ng Senate inquiry sa pagpapatupad ng Mental Health Act (Republic Act No. 11036).
“Dahil nakikita natin ang banta ng pagkakaroon ng mental health pandemic, mahalagang tiyakin ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, proteksyon, edukasyon, at kapakanan ng ating mga kababayan,” pahayag niya.
Sa ilalim ng proposed Senate Resolution No. 671, binigyang-diin ni Gatchalian ang mahahalagang aral na dulot ng Covid-19 pandemic, at tinawag itong isang wake-up call para sa pagbibigay priyoridad sa mga pampublikong serbisyo sa mental health sa Pilipinas.
Sa kabila ng pagsisimula ng pambansa at lokal na mga programa sa mental health sa panahon ng pandemya, isang policy brief mula sa De La Salle University ang nagsiwalat ng sporadic efforts at kakulangan sa comprehensive collaboration.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Gatchalian sa nakababahalang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ayon dito, may 74% na pagtaas ng mga insidente ng pagpapatiwakal mula 2019 hanggang 2020, na humantong sa pagpapakamatay sa ika-28 nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa.
Noong 2019, ang mga pagkamatay na dulot ng suicide ang pang-39 na sanhi ng pagkamatay sa bansa. May 4,892 na mga naitalang kaso ng pagkamatay dahil sa pananakit sa sarili, mas mataas sa 2,808 na naitala noong 2019.
Lumala ang sitwasyon sa mga sumunod na taon, na may paunang pagtatantya na nagpapahiwatig na ang bilang ng mga pagpapakamatay para sa 2022 ay umabot sa 2,865. Ang average na bilang ng mga nagpapakamatay ay tumaas nang malaki sa panahon at pagkatapos ng pandemya, na may taunang average na 4,085 mula 2020 hanggang 2022 kumpara sa pre-pandemic average na 2,752 na naitala mula 2017 hanggang 2019.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang epekto ng pandemya sa mental health ng mga mag-aaral. Ang datos ng Department of Education (DepEd) ay nagpakita na 412 mag-aaral ang nagpakamatay noong School Years 2020-2021 at 2021-2022, na nagpapahiwatig ng matinding pangangailangan para sa mental health support sa sektor ng edukasyon.
Sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Health and Demography noong Mayo 9, 2023, binigyang-diin ng mambabatas ang mga nakakaalarmang istatistika mula sa National Center for Mental Health.
Ang bilang ng mga tawag na natanggap ng center ay tumaas nang husto sa paglipas ng mga taon: may 3,125 na tawag noong 2019, 11,000 noong 2020, at 14,000 noong 2021. Sa mga tawag na ito, ang bahaging nauugnay sa pagpapakamatay ay halos na-multiply ng pitong beses sa pagitan ng 2019 at 2021.