Muling iginiit ni Senador Bong Go na sa korte sa Pilipinas lamang haharap si dating Pangulong Rodrigo Duterte at hindi sa anumang banyagang bansa.
Ang pahayag na ito ay sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte dahil sa umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war ng kanyang administrasyon.
Sa isang panayam, nagpahayag ng kumpiyansa si Go na hindi makikipagtulungan ang administrasyong Marcos sa imbestigasyon ng ICC. Binigyang-diin niya ang paniniwala na ang mamamayang Pilipino ang dapat na maging ultimate arbiter ng hustisya sa usaping ito.
Tiwala rin ang mambabatas sa pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi kailangan ang pagsisiyasat ng international tribunal dahil sa bisa ng sistema ng hustisya ng Pilipinas.
Aniya, nananatili ang demokrasya sa Pilipinas at ang mandato ng ICC na mag-imbestiga ay para lamang sa mga bansang hindi na kumikilala ng batas. Dagdag pa ni Go, walang diktador sa Pilipinas.
Hinimok din niya na kung sisimulan ang isang pagsisiyasat ng Kongreso, nararapat na igalang ang dating pangulo bilang pagkilala sa kanyang pagseserbisyo sa bansa.
Photo credit: Facebook/rodyduterte