“Hindi tayo papayag na patuloy na dungisan ng sinuman ang ating bayan sa kanilang paghahasik ng gulo at takot sa ating mga kababayan.”
Pahayag ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa imbestigasyon ng Senado patungkol sa lumalalang kaso ng kidnapping sa bansa.
Sa naturang sesyon na pinangungunahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Iprinisenta ni Revilla ang mga naulat na kaso ng naturang krimen na nangbibiktima ng mga Pilipino, Chinese, kababaihan, at mga nagtatrabaho sa mga Philippine offshore gaming operator o POGO.
“Hindi natin bibigyan ng puwang sa ating bayan ang mga taong tila ba mga walang kunsensya at halang ang mga kaluluwa,” pahayag ng mambabatas.
Binigyang diin din ni Revilla ang kasabihang “no one is above the law” bilang babala sa mga kriminal na walang sinasanto ang gobyerno sa mga sumasalungat sa batas.
Tinanong din ng senador ang Philippine National Police (PNP) sa naturang sesyon kung sila ba ay may naisampa ng kaso sa mga suspect matapos ideklara ng pulisya na na-resolba na ang mga ito.
Dagdag ni Revilla, hindi sapat na makuha ang pagkakakilanlan ng mga suspect kung hindi naman mahahatulan ang mga ito
Tinutukoy ng senador ang inilabas na memorandum circular ng pulisya na naglalaman ng sumusunod;
“Adopting a Uniform Criteria in Determining When a Crime is Considered Solved,” a case shall be considered solved if: 1. the offender has been identified; 2. there is sufficient evidence to charge him; 3. the offender has actually been taken into custody, and 4. the offender has actually been charged before the prosecutor’s office or court of appropriate jurisdiction.
Muli niyang pinagtibay ang kanyang posisyon matapos manawagan sa mga ahensya ng law enforcement na pagtibayin ang kanilang mandato na protektahan ang mga Pilipino.
“Galit tayo sa mga naghahahari-hariang mga kriminal sa ating bansa. Lalo na sa mga nagsisiga-sigaang dayuhang kriminal. Silang mga walang pakundangan sa paglapastangan sa kaayusan at kaligtasan sa ating bansa,” ani Revilla
Photo Credit: Bong Revilla Jr. Website