Hiniling ngayong Miyerkules ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pabilisin ang pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga tulay at iba pang pampublikong imprastraktura na napinsala ng Severe Tropical Storm “Paeng.”
Partikular na binanggit niya ang Bantilan Bridge na nag-uugnay sa Sariaya, Quezon at San Juan, Batangas; ang Paliwan Bridge na nag-uugnay sa mga bayan ng Laua-an at Bugasong sa Antique; at ang Nituan Bridge sa Parang, Maguindanao. Bukod pa ito sa gumuhong Romulo Bridge sa Bayambang, Pangasinan.
Sa isang pahayag, sinabi ng kanyang opisina na aa isang liham kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, iginiit ni Revilla na ang mga imprastraktura na ito ay kailangang ayusin at gawing accessible kaagad dahil ito ay mahalaga sa daloy ng mga tao at kalakal sa mga lugar na iyon.
“No time should be spared in rebuilding. Bawat araw na lumilipas na hindi ayos ang mga tulay na ito ay napeperwisyo ang buhay at kabuhayan ng napakarami nating mga kababayan,” pagbibigay diin niya.
Ibinigay na halimbawa ng Senate Committee on Public Works chairman ang Japan sa bilis ng muling pagtatayo at pag-aayos sa mga nasirang imprastraktura. Dagdag niya na sana ay kumilos rin ang DPWH sa parehong paraan.
Hiniling din ni Revilla kay Bonoan na agad na magsumite ng ulat sa Komite tungkol sa kabuuang pinsalang natamo ng mga pampublikong imprastraktura, kabilang ang mga dike, revetment, at iba pang mga istruktura sa pagkontrol ng baha, na nagdedetalye ng mga kinakailangang pondo para sa kanilang agarang rekonstruksyon na may timetable kung kailan matatapos ang gagawing pagsasaayos.
Tiniyak niya sa DPWH na personal niyang hihingin ang tulong ng Senate Committee on Finance sa pagtiyak na maisasama ang mga kinakailangang pondo sa 2023 national budget ng ahensya.
“While the DPWH has Quick Response Funds (QRF) for times of calamities, these funds are not intended for reconstruction which is what is actually needed in this instance,” paliwanag ng mambabatas.
“Kaya kailangan malagyan ng pondo ang DPWH specifically for this purpose,” pagtatapos niya.
Photo Credit: Facebook/opsgov