Kailangan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumuo ng mabuting ugnayan sa economic powerhouse tulad ng Singapore para makaakit ng pamumuhunan mula sa negosyante sa ibayong bansa, ayon kay Senador Robinhood “Robin” C. Padilla.
Sa isang pahayag, iginiit ni Padilla na hindi dapat minamaliit ang kita at trabaho na dala ng mga negosyanteng ito sa oras na makumbinsi silang mamuhunan dito sa Pilipinas.
“Ang bansang Singapore po ay ang sentro ng negosyo sa buong Southeast Asia. Nandiyan po sa bansang Singapore ang foreign investors. Pugad po ito ng mga negosyante,” aniya.
“Ang ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay nanliligaw sa mga ito at dapat po lamang na makita siya at makahalubilo ng mga ito upang magkaroon siya ng magandang relasyon at mas maipaliwanag ang kalagayan ng negosyo sa ating bansa,” dagdag ng mambabatas.
Ipinunto ni Padilla na kailangan ng Pilipinas ang pondo para sumigla ang ekonomiya – kasama rito ang kita ng gobyerno para sa mga programa nito, at ang trabahong maililikha para sa mga Pilipino.
Dahil sa pagiging business hub ng Singapore, iginiit ni Padilla na walang ibang pinakamagandang partner ngayon sa pakikipagnegosyo.
“Building relations with Singapore is building relations with the business world,” aniya.
Photo Credit: Facebook/senateph