Pumalag si Senador Robin Padilla sa puna ni dating senador Franklin Drilon tungkol sa kawalan ng decorum ngayon sa Senado.
Sa social media, sinabi niya na ang kasalukuyang komposisyon ng Senado ay kumakatawan sa pagkakaiba nito sa nakaraan.
“Ang senado po ngayon ay hindi nagpapatawa dahil ang minana namin na suliranin ng Bayan mula sa mga nagdaan na kagalanggalang at honorable senators ay hindi katatawanan. Seryosong pamana ito na dapat hinaharap ng may positibong pananaw.”
Sa kanyang pahayag, kinilala ni Padilla na iba ang mga nakababatang henerasyon ng mga senador. Hindi nila sinusukat ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng panlabas na anyo, bagkus ay nakatuon sa positibong resulta para sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
“Ang pagbibigay ng mungkahi ng isang senador sa gitna ng sesyon o talakayan ay hindi kalapastanganan kundi parliamentaryong pamamaraan na pinapayagan ng rules of senate.”
Pinuri rin ni Padilla sina Senador Migz Zubiri at Joel Villanueva sa kanilang dedikasyon at kakayahang kumonekta sa masa.
“Ang bawat salita at aksyon ng Pinunong mayorya ay May paggalang sa Dios, Bayan at kapwa Tao. Sa kanilang dalawa ang lahat ay pantay pantay kayat kaming nasa ilalim ng kanilang pamamahala ay Mas nagpapakumbaba sa aming nasasakupan.”
Sa huli , nanawagan siya ng pagtanggap sa bagong mukha ng Senado – isang bata, maliksi, at walang paligoy ligoy na institusyon.
Bilang isang batikang politiko na may maraming taon ng karanasan sa Senado, hinimok kamakailan ni Drilon ang kanyang mga dating kasamahan na huwag masyadong maging sensitibo, bagkus ay pagtuunan ng pansin ang imaheng ipinapakita ng Senado sa publiko.
“I hope my former colleagues are not onion-skinned. I prefer to comment on what the public perceives to be an erosion of the prestige of the Senate as an institution, brought about by the lack of decorum of certain senators.”
Nilinaw naman ni Drilon na hindi niya itinuturing na iresponsable ang mga kasalukuyang senador, bagkus ay nanawagan siya na pagandahin ang reputasyon ng Senado bilang isang kagalang-galang na legislative body.
Kamakailan lamang, nag-viral si Padilla dahil sa pagsusuklay ng bigote sa isang pagdinig Senado.
Photo credit: Facebook/senateph