Saturday, January 11, 2025

Robin Sa PNP: Tuldukan Ang Diskriminasyon Sa Muslim

108

Robin Sa PNP: Tuldukan Ang Diskriminasyon Sa Muslim

108

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Malaki ang magagawa ng Philippine National Police (PNP) para tuldukan ang diskriminasyon sa mga Muslim, kasama ang pagtukoy sa kriminal na “Muslim” at diumano’y pagbigay ng pagkaing may karneng baboy sa mga bilanggong Muslim sa PNP Custodial Center.

Iginiit ito nitong Lunes ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla matapos ang mga pangyayari noong Linggo, kung saan na-hostage si dating Senador Leila de Lima sa naturang pasilidad.

“Nananawagan po ako, nagpapakumbaba, kay Sir PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na maglunsad po ng malawakang education drive para imulat po ang mga pulis natin, na ating mga bayani, sa mga usaping ito. Naniniwala po ako sa napakalaking papel na maaaring gampanan ng ating bayaning pulis upang matigil na ang diskriminasyon – na sa napakahabang panahon po ay hindi pa namin nakakamit. Hindi pa rin po ito natutuldukan,” aniya sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Dismayado si Padilla sa napanood niyang video sa social media kung saan ang mga pulis na rumesponde ay tumukoy sa mga hostage-taker na “Muslim.”

Nananawagan muli siya sa pamunuan ng PNP na magkaroon ng edukasyon sa mga kapulisan sa paggamit ng salitang “Muslim.”

“Bagamat tayo po ay nagagalak na ligtas si Senadora de Lima at patuloy na nananalangin sa paggaling ng nasugatang pulis sa insidente, hindi ko mapigilang mapansin sa video ang paulit-ulit na pagtukoy na ‘mga Muslim’ ang hostage-takers,” galit na wika ng mambabatas.

“Hangad kong malaman ng lahat na hindi ginagamit ang salitang Muslim sa pagtukoy sa isang tao, lalo’t may kinalaman sa krimen o terorismo. May pangalan po ang mga taong ito. Mas mainam po na identify po natin sila hindi sa kanyang relihiyon dahil wala pong kinalaman ang relihiyon dito,” dagdag niya. “Kung ang alagad ng batas ay humusga ng bansag sa isang relihiyon, para saan pa po ang babaeng nakapiring ang mga mata at may hawak na timbangan?”

Samantala, nabahala rin si Padilla sa pahayag ni de Lima na isang dahilan sa pag-aaklas ng mga bilanggo ay ang diumano’y “parang hayop” na pagtrato sa kanila sa kulungan at ang pagpapakain ng pagkaing may baboy.

“Ang paksang tungkol sa angkop na pagkain sa loob ng ating mga presuhan ay ilang ulit ko na pong itinanong sa kinauukulan – ngunit ang palagiang sagot na atin pong nakukuha ay: may angkop na pagkain, sang-ayon sa kanilang paniniwala, na ibinibigay sa ating mga persons deprived of liberty o PDLs. Sa tamang panahon, muli ko pong bubuksan ang talakaying ito,” aniya.

Photo Credit: Facebook/senateph

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila