Hinamon ni human rights lawyer Chel Diokno si dating presidential spokesperson Harry Roque na harapin ang mga allegation ng pagkakaugnay niya sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay Diokno, kung wala namang itinatago si Roque ay walang dahilan para iwasan nito ang Quad Committee ng House of Representatives na kasalukuyang iniimbestigahan ang mga isyung may kinalaman sa mga ilegal na POGO.
Saad pa ni Diokno kayang-kaya ibigay ni Roque ang Statement of Assets and Liabilities (SALN) na hinihingi sa kanya ng House quad-comm
“Kay Harry Roque na rin nanggaling na siya ay pugante. It is imperative that he faces the serious allegations about his professional and financial ties to POGOs,” sabi ni Diokno sa isang pahayag.
Samantala, sa isang Facebook video na inilabas ni Roque kamakailan, niliwanag niyang siya ay hindi isang fugitive of the law kundi ng Kongreso lamang.
“Hindi po ako pugante ng batas. Mali po ‘yong sinasabi ni Ace Barbers na ako raw ay pugante. Hindi po… Wala po akong kasong hinaharap sa piskalya, doon sa hukuman. Ang kaso ko lang po ay ayaw kong ibigay ang mga dokumento na wala naman pong kinalaman sa imbestigasyon ng Pogo,” saad ni Roque.
“Hindi po ako pugante dahil ako po ay lumabag sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang. Wala po akong pakialam dahil ang tingin ko naman, kung ako ay nacite in contempt of Congress, ang Kongreso naman po ang cited in contempt of the people of the Philippines,” dagdag pa niya.
Dinkelarang in contempt ng House quad-committee si Roque kamakailan at ipinag-utos na i-detain siya sa Kamara dahil sa pagtanggi nito na magsumite ng mga dokumento na nakasaad sa subpoena laban sa kanya. Kasama sa mga dokumento na ito ang SALN ni Roque na ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro ay magpapatunay kung talagang involved nga siya sa POGO.
Dawit si Roque sa imbestigasyon dahil sa umano’y koneksyon niya sa mga POGO, matapos matagpuan ang kanyang bank documents sa isang sinalakay na POGO hub sa Pampanga.
Noong Hulyo, inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na si Roque ay naging legal counsel ng Lucky South 99 Corp. Paulit-ulit na itinanggi ng dating tagapagsalita ng dating pangulong Rodrigo Duterte ang koneksyon sa mga POGO.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH, Facebook/cheldiokno