Apektado na ng sunod sunod na negatibong issue ang approval ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na ayon sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia ay sumadsad noong nakaraang buwan.
Bumagsak ang approval rating ni Marcos mula 80 porsiyento noong Hunyo hanggang 65 porsiyento noong Setyembre. Bumaba rin ang kanyang trust rating mula 85 hanggang 71 porsiyento.
Ang pagbaba ay naramdaman sa lahat ng geographic areas at socioeconomic classes. Sa pinakamahihirap or Class E, nagtala ng 29 percentage points na malaking pagbaba ang approval rating ni Marcos.
Lumagpak rin ang approval rating ni Duterte mula 84 percent noong Hunyo hanggang 73 percent noong Setyembre. Ang approval rating mula sa Class ABC ang nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba o 18 percentage point.
Bukod sa approval ratings, bumaba rin ang trust rating ng dalawa. Mula 85, nalaglag sa 71 porsiyento ang trust rating ni Marcos, habang sumadsad naman ang kay Duterte mula 87 hanggang 74 porsiyento.
Ang Pulse Asia survey ay isinagawa mula Setyembre 10 hanggang 14, kasabay ng ilang mahahalagang pangyayari, gaya ng mga usapin tungkol sa mga confidential funds noong 2024 budget deliberations sa Kongreso, ang pagpataw ng price cap sa bigas sa pamamagitan ng Executive Order No. 39, at pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea dahil sa mga aktibidad ng China. Ang iba pang mga isyu tulad ng kontrobersya sa mga pagbabago sa kurikulum tungkol sa diktadurang Marcos ay nagkaroon din ng papel sa paghubog ng opinyon ng publiko sa panahong ito, ayon sa pollster.
Sa kabila ng pagbaba ng kanilang approval at trust ratings, binanggit ng Pulse Asia na ang karamihan sa mga Pilipino ay nananatiling kuntento sa trabaho nina Marcos at Duterte.
Photo credit: Facebook/DepartmentOfEducation.PH