Pinaulanan ng patutsada ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Vice President Sara Duterte kaugnay nang pagbawi ng 75 miyebro ng kanyang security detail kamakailan lamang.
Hirit pa niya, sandamukal pa ang natitirang “bodyguards” ni Duterte kumpara kay Pangulong Bongbong Marcos na mayroong 320 security personnel kaya hindi raw dapat gawing big deal ang pagbawi sa 75 na pulis na itinalaga para sa seguridad ng bise president.
“She still has 300 bodyguards. That’s bigger than the President’s contingent,” pahayag ni Remulla sa isang media forum.
Matatandaang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil na hindi sinibak ang mga security personnel na nakatalaga sa proteksyon at seguridad ni Duterte bagkus ay ipina-recall ito bilang bahagi ng pangkalahatang direktiba na dagdagan ang available na kapulisan na maaaring i-deploy sa ground.
“What we’re doing now, especially sa [National Capital Region] na kulang kulang mga tao natin, nagbawas kami ng mga tao na hindi naman nila kailangan,” paliwanag ni Marbil.
Dagdag pa ni Marbil, ang seguridad ng bise presidente ay wala na sa hurisdiksyon ng PNP, kundi nasa kamay na ng Presidential Security Command.
Kinumpirma naman ng Office of the Vice President (OVP) na noong July 22, 2024 ay binawi ang 75 tauhan ng PNP Police at Security Group na dating nakatalaga para sa proteksyon ni Duterte.
Ang pagbawas umano sa mga security personnel ay bahagi raw ng pagsasaayos sa security detail ng bise at tiniyak ni Duterte sa publiko na ang kautusan ay hindi makakaapekto sa kanyang trabaho bilang VP.
“Tuloy-tuloy pa rin ang ating trabaho upang makapaghatid tayo ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa mga liblib o underserved communities sa ating bansa,” aniya
Ngunit tila biglang-kabig na si Duterte at nagkaroon ng pasaring tungkol sa pagbawi ng kanyang security personnels.
Aniya, isang “malinaw na kaso ng political harassment,” ang pagbalasa lalo pa’t ang mga pulis na inilipat ay ang kanyang mga pinagkakatiwalaan.
Umapela din si VP Sara para sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Tiniyak naman Marbil kay Duterte na ang puwersa ng pulisya ay patuloy na nagbibigay ng kaukulang seguridad para sa kanya.
Pagdiin niya, “she [Vice President Duterte] retains the most extensive security detail compared to her predecessors.”
Nanawagan naman si Sen. Ronald dela Rosa, dating PNP chief at kilalang kaalyado ng mga Duterte, sa mga retiradong pulis at tauhan ng militar na magboluntaryong magbigay ng karagdagang seguridad sa bise presidente.