Nakakagimbal at nakakasakit sa puso. Isang 10-buwang gulang na sanggol ang nabiktima ng online sexual abuse at exploitation, na ginamit pa umano ang mga social media platform tulad ng Facebook at WhatsApp.
“Nakakagimbal. Bilang nanay, ang sakit sa puso malamang may musmos na inabuso’t inalipusta kapalit ng pera,” pahayag ni Senadora Risa Hontiveros sa isang matapang na pahayag laban sa karumal-dumal na insidente.
Sa mabilisang aksyon ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division, naaresto ang salarin. “Maraming salamat sa kanila at sa National Coordination Center Against OSAEC sa pagtutok sa kasong ito,” dagdag pa ng senadora.
Galit Sa Kapabayaan
Gayunman, bilang may-akda ng Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Law, nadismaya si Hontiveros sa tila mabagal na pagpapatupad ng batas na dapat sana’y nagpoprotekta sa mga bata.
“I cannot help but think that we are not doing enough,” aniya. Sa ilalim ng Anti-OSAEC Law, may pananagutan ang mga social media platforms, pero nagawa pa rin ang krimen gamit ang Facebook at WhatsApp.
Senado, Magsisimula Ng Imbestigasyon
Dahil dito, inanunsyo ni Hontiveros ang kanyang plano na magsagawa ng Senate inquiry ukol sa lumalalang kaso ng OSAEC at ang mga bagong modus na ginagamit ng mga sindikato.
“Nag-sampa din ako ng resolution sa Senado para siyasatin ang mahalagang usapin na ito,” diin ng senadora.
Nanawagan din siya sa social media companies na paigtingin ang kanilang mga regulasyon. “Hindi na nga matugunan ang fake news, hindi pa maprotektahan ang ating mga anak!” matapang niyang pahayag.
Dapat May Managot
Hinikayat din ni Hontiveros ang pananagutin ang mga internet service providers, e-wallet platforms, at remittance centers na maaaring nakatulong sa paglago ng online exploitation.
“Our children should not and should never be for sale,” mariin niyang sinabi.
Photo credit: Facebook/hontiverosrisa