Tila napikon si Senador Nancy Binay kay Senador Alan Cayetano matapos kalkalin ang kwestiyonableng halaga ng bagong Senate building na aniya’y hindi naman kailangang pagtuunan ng agarang pansin.
Sa isang Senate hearing, nagkaroon ng bangayan sa pagitan nina Cayetano at Binay tungkol sa usapin ng pagpapagawa ng bagong Senate building. Matatandaang bago pa man ang hearing, nagkaroon na ng palitan ng diskurso tungkol dahil sa hindi mapagkasunduang presyo.
Ngunit nang pag-usapan ito sa Senado, nagkainitan ang dalawang senador dahil sa sinasabing P23 bilyong halaga ng Senate building ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa nasabing hearing, idiniin ni Cayetano kay Binay na linawin kung ano ang tunay na presyo ng pagpapagawa sa bagong Senate building dahil paulit-ulit na aniya silang pinaparinggan ni Binay tungkol sa kanilang maling impormasyon ukol dito.
“[Y]ou’ve been going around saying mali ang numbers namin. So kung mali, correct it, pero ang nagbigay ng numbers samin staff mo and you’ve been going around telling people saan ba nanggaling, e nanggaling nga sa staff mo. So anong problema?”
Dagdag pa ni Cayetano, dapat lumapit na raw sa kanila si Binay at hindi na pinaabot pa sa media ang isyu na humantong sa Senate inquiry dahil maari naman nila itong pag-usapan ito ng maayos.
“Ang dami mo ng inembento sa media […] Nag-imbento ka. Naka-sampung interview ka.”
Rumesbak naman si Binay at sinabing hindi totoo ang sinasabi ni Cayetano. “Bakit naman ako magbibigay ng tanong sa mga media, Mr. Chairman? Baka gawain mo ‘yung magbibigay ng tanong sa mga media. Excuse me.”
Matapos magpresenta Ang DPWH ng report at bago pa man matapos ang usapin tungkol umano sa P23 billion na budget ng Senate building ay nag-walkout na si Binay at hindi pinatapos pa ang sinasabi ni Cayetano.
“Nabuang ka na, ‘day […] tapusin natin ng maayos ito. Senado ito ng Pilipinas, hindi ito palengke,” giit niya.
Matatandaang si Binay ay ang nangunguna sa usapin tungkol sa bagong Senate building na hindi maisulong dahil umano sa maling impormasyon tungkol sa budget para rito. Ang nasabing budget ay nauna nang dinedma ni Senate President Chiz Escudero dahil masyado raw itong mahal.