Hindi kumbinsido si 1-Rider party-list Representative Rodge Gutierrez na magiging kapaki-pakinabang si Mary Ann Maslog, isang naarestong scam suspect, sa isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno tungkol sa mga krimen na konektado sa Philippine offshore gaming operators (POGO) at dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Ayon sa mambabatas, na miyembro ng House of Representatives’ Quad Committee (quadcomm), tila malayo raw na may alam si Maslog tungkol sa mga POGO.
“I would be hard-pressed to believe that there would be any linkage [to POGOs]. And if there’s no linkage at all, why would she be tapped?” aniya.
Sa isang pagdinig sa Senado kamakailan, sinabi ni Maslog, na ngayo’y nagpapakilalang Jessica Francisco, na inatasan siya Philippine National Police (PNP) Intelligence Group na makipag-usap kay Guo para sumuko ito, isang bagay na itinanggi naman ng PNP.
Dagdag pa rito, sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na may mga ulat na ginagamit umano si Maslog para ikonekta siya, sina dating pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go, at Police Major General Romeo Caramat Jr. sa mga POGO-related crimes.
Ngunit nanatiling duda si Gutierrez, lalo na’t may mga alegasyon na sangkot si Maslog sa isang textbook scam noong 1998, isang kaso na nadismiss ng Sandiganbayan matapos sabihing patay na ito noong 2019. Nahuli siya ng National Bureau of Investigation noong Setyembre 25 matapos makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng fingerprints.
Sa parehong press conference, sinabi ni Gutierrez na bukas ang komite sa posibleng pagdalo ng dating pangulo sa kanilang imbestigasyon. Ipinahayag ni Duterte ang kanyang kagustuhang dumalo at tiniyak ni Gutierrez na “educated questions” ang itatanong sa kanya.
Bukod sa POGO crimes, iniimbestigahan din ng House quadcomm ang mga umano’y extra-judicial killings na may kaugnayan sa war on drugs ng dating administrasyon.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH, Facebook/senateph