Hiniling ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tiyakin ang pagbibigay ng livelihood assistance sa mga inililikas at iuuwing mga overseas Filipino worker (OFW) na naipit sa lumalalang civil war sa Sudan.
Sa isang pahayag, hinikayat din niya bilang chairperson ng Senate Committee on Labor and Employment ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya gobyerno na maghanda ng mga alternatibong mapagkukunan ng kabuhayan para sa mga uuwi kabilang ang mga undocumented OFWs.
“Asahan na natin na karamihan sa mga OFWs na napilitang umuwi ng wala sa oras dahil sa tumitinding kaguluhan sa Sudan ay walang ipon. Baka matagalan pa bago sila makapag-relocate para makipagsapalaran sa ibang bansa. For the meantime, makabubuti siguro na mabahagian sila ng tulong ng gobyerno. May nakalaan tayong pondo para sa mga katulad nilang distressed o displaced OFWs,” ani Estrada.
Sinabi rin niya na may P431 milyon na nakalaan sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program ng OWWA sa national budget ngayong taon.
Sa ilalim ng programang na naglalaan ng tulong pangkabuhayan para sa mga OWWA member-OFWs na napilitang umuwi, makakatanggap sila ng P20,000 bilang panimula or karagdagang kapital sa kanilang kasalukuyang negosyo.
Nasa 325 na bilang ng mga tinatayang 700 na OFWs sa Sudan ang dumulog at humingi na ng tulong sa gobyerno para sa kanilang repatriation from lumalalang sitwasyon ng nasabing bansa.
“May programa ang gobyerno na makakatulong sa mga kagaya nila na nawalan ng trabaho sa ibang bansa at mainam na mabigyan sila ng ng ganitong klase ng ayuda ng sa gayon ay patuloy nilang matustusan ang gastusin ng kanilang pamilya. Sa ganitong paraan, hindi sila daragdag sa bilang ng mga unemployed nating mga kababayan,” ani Estrada.
Photo credit: Facebook/SenatorJinggoyEstrada