Monday, January 20, 2025

Sen. Gatchalian: K-12 Walang Dagdag Na Benepisyo Pagdating Sa Trabaho Sa Gobyerno

21

Sen. Gatchalian: K-12 Walang Dagdag Na Benepisyo Pagdating Sa Trabaho Sa Gobyerno

21

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Pinuna ni Senador Win Gatchalian ang kawalang saysay ng pagtatapos sa K to 12 pagdating sa pagkakatanggap sa trabaho ng mga fresh graduate. 

“Hindi makatarungan ang ginagawang ito ng pamahalaan. Ipinangako natin noon na ang K to 12 ay magbibigay ng trabaho sa ating senior high school graduates pero gobyerno mismo ang hindi nagbibigay sa kanila ng oportunidad. Ipinapantay natin sila sa mga nagtapos ng sampung taon ng basic education. Nakakalungkot na sa mata ng ating pamahalaan, walang dagdag na benepisyo para sa ating senior high school students,” aniya sa isang pahayag.

Sinabi ni Gatchalian na isa itong pagkukulang ng gobyerno sa mga mag-aaral at sa kanilang pamilya na napilitang tustusan ang karagdagang dalawang taon sa high school.

“Halimbawa, isa akong mag-aaral sa senior high school pero ‘pag pumasok ako sa gobyerno, kapantay ko lang ang nagtapos sa 10 taon ng basic education. Walang dagdag na benepisyo para sa akin, kaya bakit pa ako mag-aaral ng dalawa pang taon kung wala naman akong pinagkaiba sa nagtapos sa ilalim ng dating sistema,” dagdag ng mambabatas.

Ito ay matapos niyang punahin sa pagdinig ng Senate Bill No. 2022 o ang Batang Magaling Act, ang Memorandum Circular No. 12 s. 2019 kung saan ang mga ahensya ng gobyerno at mga government corporation patas lamang ang turing sa ang mga nagtapos ng senior high school at mga nakatapos lamang ng sampung taon.

Para sa kanya, ipinakita ng polisiya na para sa mga senior high school graduates na pumasok sa gobyerno, walang dagdag na benepisyo ang karagdagang dalawang taon ng high school. 

Hinimok sin ng chairperson ng Senate Committee on Basic Education na mag-sumite ang Civil Service Commission ng tiyak na timetable para matugunan ang isyung kinakaharap ng pamahalaan sa pagtanggap ng mga senior high school graduate. Tiniyak naman ng komisyon na inaamyendahan nito ang Omnibus Rules on Appointments and Other HR Actions para mabigyan ng pagkakataon ang mga senior high school graduate.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2018, hindi kinukunsidera ang mga senior high school graduate sa mga education requirement ng mga first level positions sa civil service.  

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila