Hinimok ni Senador Bong Go ang awtoridad na manatiling nakatutok sa kampanya laban sa ilegal na droga sa gitna ng mga ulat na may mga pulis na nagbibigay ng ilegal na droga sa kanilang mga impormante.
Sa isang panayam, sinabi niya na ang pagbabalik ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa pagbebenta ng kumpiskadong droga ay hadlang sa nagawa ng dating pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang ilegal na droga at krimen sa bansa.
“Ayoko pong masayang ang inumpisahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na labanan po ang iligal na droga, labanan ang kriminalidad,” pahayag ni Go.
“Kayo na po ang humusga kung nakakalakad ba ang inyong mga anak na hindi nababastos, nasasaktan. Dahil po ‘yan sa sakripisyo ni (dating) pangulong Duterte na labanan po ang kriminalidad at iligal na droga,” aniya.
Sinabi rin ng mambabatas na ang isyu ay nagdulot ng takot sa mga mamamayan, at dinagdag na kung mananatili ang problema, maaaring mas maraming pamilya ang mabibiktima.
“Ngayon, kung bumabalik na naman itong ninja cops at sinasabi recycled, kahit na ilang porsyento po ang ni-recycle nila, alam n’yo, ilang buhay na naman po ang masisira d’yan, ilang pamilya na naman po ang wawasakin,” aniya.
Sa isang pagdinig sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Marso 15, kinuwestiyon sina Police Senior Master Sergeant Jerrywin Rebosora at Police Master Sergeant Lorenzo Catarata tungkol sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na nawawalang 42 kilograms na kumpiskadong droga sa isang operasyon noong Oktubre.
Sa isa namang pagdinig sa House of Representatives, sinabi ng House Committee on Dangerous Drugs na 30 porsyento lamang ng kumpiskadong droga ang idineklara ng “ninja cops” at kanilang mga impormante, at ang iba ay recycled at binenta para pagkakitaan.
Sinabi ni Go na ang reselling ng ilegal na droga ay hindi dapat palampasin at dapat panagutin ang mga sangkot dito.
“‘Yung sinasabi nilang nire-recycle daw, kung mapatunayan ‘yan, dapat po ay managot, dapat po ay tuldukan ang practice na ‘yan. Sa pagdinig po kahapon sa Senado, hindi po katanggap-tanggap na gagawin pong bayad sa informant ang ni-recycle na droga po,” aniya.