Binuksan na ni Senador Lito Lapid sa publiko ang bagong gawang Infectious Diseases Unit (IDU) ng Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Tondo, Maynila ngayong Biyernes, April 21, 2023.
Kahit holiday, nagtatrabaho siya para sa kabutihan ng mga Pilipinong walang pambayad sa hospital.
Naglaan si Lapid ng P30 milyon sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapagawa ng IDU na matatagpuan sa ika-pitong palapag ng hospital. Abot sa higit 40 pasyente ang maaaring i-accommodate ng unit na fully air conditioned at libre pa.
Todo pasasalamat naman si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, mga doktor at nurses sa pagbibigay ng kahalagahan ni Lapid sa kalusugan ng mga Manileño at mula sa ibang probinsya.
Nangako rin ang mambabatas na patuloy na magbibigay ng tulong medikal at ayuda sa mga kababayan nating mahihirap na hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital.
“Kung ano pa ang maibibigay kong tulong sa mga taga-Maynila at ibang probinsya, ipagbigay-alam lang sa aking opisina upang agad na aming aksyunan sa abot ng aking makakaya,” aniya.
Ang Gat Andres Bonifacio Medical Center ay itinatag noong April 30, 1998 sa pamamuno ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, isa sa anim na charity hospitals sa Lungsod at may kapasidad na 100 kama.