Saturday, January 18, 2025

Sen. Lapid Isinulong Ang Pag-Amyenda Sa Batas Kasambahay

9

Sen. Lapid Isinulong Ang Pag-Amyenda Sa Batas Kasambahay

9

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Isinulong ni Senador Manuel “Lito” M. Lapid ang pag-amyenda ng Republic Act (RA) 10361 o Batas Kasambahay para sa accountability at responsibilidad ng mga private employment agency (PEA) sa pagbibigay ng trabaho sa mga kasambahay.

Nakasaad sa Batas Kasambahay ang mga karapatan at mga pananagutan ng kasambahay at ang kanilang mga amo, kabilang ang mga standard requirement na kinakailangang ipatupad sa mga aplikante na nais magtrabaho bilang kasambahay. 

Kabilang sa mga standard requirement na hinihingi ay ang medical o health certificate mula sa local government health officer, barangay clearance, police clearance, National Bureau of Investigation clearance, at birth certificate o ibang dokumento na nagpapakita ng edad ng aplikante.

Sinabi ni Lapid sa isang pahayag na ang pagbibigay ng mga standard requirement ay hindi sapat para protektahan ang mga nagbayad para sa serbisyo ng mga PEA. Sa ilalim ng Senate Bill (SB) 1811, isinusulong niya ang pag-amyenda sa Batas Kasambahay upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga employers at kanilang pamilya.

“Ang pagsusumite lamang ng mga pamantayang kinakailangan na ito ay hindi sapat upang protektahan ang mga kumukuha ng serbisyo ng mga PEA. Ang layunin nitong ating inihaing panukalang batas ay maprotektahan ang mga employer at ang kanilang mga pamilya sa loob ng kanilang tirahan laban sa mga maaaring gumamit ng mga PEA sa mga posibleng kriminal na intensyon,” isinaad ng mambabatas.

Ayon sa kanya, kasama sa mga pagbabago na isinusulong ay ang pagkakaroon ng mga PEA ng pananagutan sa mga sweldo, benepisyo sa sweldo, at iba pang benepisyo sa mga kasambahay. Sa ilalim ng SB 1811, magkakaroon ng karagdagang responsibilidad ang mga PEA katulad ng pagsasagawa ng mga background check, pag-verify ng pagkakakilanlan at sitwasyon ng mga kasambahay.

“Layunin rin nitong S.B. No. 1811 na panagutin ang mga PEA at tiyaking magsasagawa sila ng masigasig na pagsusuri sa background at aktuwal na pag-verify ng pagkakakilanlan at background ng pamilya ng domestic helper, gayundin matiyak na sila ay hindi sisingilin ng anumang recruitment o placement fee,” dagdag ni Lapid.

Bukod dito, responsibilidad din ng mga PEA ang pagbibigay ng pre-employment orientation briefing sa mga kasambahay at employer tungkol sa kanilang mga karapatan at responsibilidad sa ilalim ng Batas Kasambahay. Tungkulin din ng mga PEA na magtabi ng kopya ng mga employment contract at mga kasunduan ng mga na-recruit na kasambahay.

Kabilang rin sa SB 1811 ang requirement ng mga PEA na mag-assist sa mga kasambahay tungkol sa kanilang mga reklamo nila laban sa kanilang mga amo. Kabilang din dito ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno sa mga rescue operation ng mga inaabuso na kasambahay.

Ayon kay Lapid, ang mga pagbabagong nais niyang isulong sa batas ay nagbibigay ng proteksyon sa mga kasambahay at kanilang amo. Makakatulong rin ang mga pagbabago sa batas para sa pag-iwas sa pagkakasangkot sa mga krimen kung saan nagtatrabaho ang mga kasambahay. Kasalukuyang sumasailalim sa review at approval ng Senado ang panukala.

Photo Credit: Official Gazette Official Website

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila