Tiniyak ni Senador Imee Marcos sa mga magsasaka na hindi na kailangang umangkat ng bigas ang gobyerno hanggang sa susunod na taon dahil kayang punan ng lokal na supply ang mga pangangailangan ng mga konsyumer at di na wasto ang mag-isyu pa ng bagong import clearances.
“Walang dahilan ang DA (Department of Agriculture) para humirit ng anumang importasyon ng bigas na magpapabagsak lang sa presyo ng palay. Maganda ang produksyon ng ating mga magsasaka at sosobra pa ito sa domestic supply, ” aniya sa isang pahayag.
“Saka, wala nang natitirang valid sanitary at phytosanitary import clearances (SPS-ICS) para mabigyang katwiran o maidepensa ang importasyon ng bigas sa taong ito,” dagdag pa ni Marcos, na tumutukoy sa ulat ng Agriculture department.
Paliwanag ng senador, ang inaasahang 5.13 million metric tons (mmt) ng mga lokal na produksyon ng bigas sa third quarter ay sosobra pa sa lokal na pangangailangan ng bigas na nasa 3.7mmt at makapagsusubi pa ng 1.43mmt sa katapusan ng Setyembre.
Sa ika-apat na quarter, inaasahang papalo sa 6.24mmt ang supply ng bigas na lampas pa sa pangangailangan na 4.02mmt, para sa karagdagang buffer stock na 2.22mmt sa katapusan ng Disyembre.
Lalabas na ang mga maaani sa ikatlo at ika-apat na quarter ang magbibigay sa bansa ng kabuuang buffer stock na 3.65 million metric tons sa katapusan ng taon, na tatagal ng 55 hanggang 60 araw.
Photo Credit: Senate Website