Sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis sa pagkain, nais ibalik ni Senador Imee Marcos ang “Nutribun Feeding Program” upang tugunan ang aniya’y “kulang sa sustansya” na programang pang-nutrisyon ng gobyerno.
Iminungkahi ng senador ang programang ito nitong Linggo na ika-105 kaarawan ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na sumuporta sa Nutribun Feeding Program noong kanyang termino sa dekada 70’s.
Ayon sa kanya, hindi umano sapat ang mga adbokasiya na pasulpot-sulpot lamang at masasabing hindi consistent.
“Dapat ibalik ang ‘Nutribun Feeding Program’ na solusyon sa problema sa malnutrisyon ng mga bata,” dagdag pa niya.
Sinimulan na rin umano niya ang pakikipag-usap at pakikiisa sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng National Nutrition Council (NNC) sa ilalim ng Department of Health (DOH), sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan, iba’t-ibang local government, at mga barangay health worker.
Inilunsad na rin ang unang testing ng programa sa Rizal, Cebu, at Ilocos Norte na naghandog sa higit 1,000 bata na edad tatlo hanggang limang taong gulang. Ayon sa kanya ay pinasustansya ang bagong timpla na ito ng nutribun na may halong nakalulusog na gulay gaya ng kalabasa at malunggay.
Bukod sa distribusyon ng mas pinasustansyang nutribun, imo-monitor ng tanggapan ni Senador Marcos at ng lahat ng mga kawani ng gobyernong kaagapay sa feeding program ang mga timbang ng mga bata at kalusugan nila sa loob ng 120 araw.
Kamakailan lang, ang World Bank ay naglaan ng $178 million upang suporta sa nutrition program ng bansa upang malabanan ang nakababahalang pagkabansot ng mga batang Piliino.
Ayon sa report ng naturang ahensya nitong nakaraang taon, lumabas na sa loob ng tatlong dekada ay halos walang pagbabago sa namamayagpag na malnutrisyon sa bansa. Kasabay pa nito ang pag-ranggo sa Pilipinas bilang pang-lima sa kaso ng pagkabansot sa rehiyon ng East Asia at Pacific at pasok din sa top 10 sa buong mundo.
“Wala nang dapat sayanging oras, kung ang mga batang Pinoy ay magiging malusog sa pangangatawan at pag-iisip, at siguradong lalaki silang mga produktibong mamamayan,” saad ni senador bilang suporta sa layunin niyang pagpapaunlad ng kalusugan ng mga batang Pilipino.
Photo credit: Facebook/ImeeMarcos