Itinutulak ni Senador Robin Padilla ang pagpataw ng parusang kamatayan para sa mga taksil sa panunumpang ipagtanggol ang taumbayan.
Ito ay matapos niyang idiin sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa pagpatay sa gobernador ng Negros Oriental na hindi na mauulit ang kaparehong krimen kung saan sangkot ang “security personnel” na isinanay sa paggamit ng mataas na kalibreng baril.
“Malinaw naman po na itong ating mga bayaning sundalo na naligaw ng landas, ito po ay mga nabigyan po ito ng tamang orientation, tamang ideology, tamang pagiisip, na naligaw, hindi ba po dapat mas matindi ang parusa dito Mahal na Tagapangulo, dahil ito nanumpa sa taumbayan na sila magiging tagapagligtas, tagapagtanggol, at ito ay nakagawa ng krimen,” pahayag ni Padilla.
“Siguro po sasang-ayon kayo sa akin na isang taong pinagaral ng gobyerno, ginastusan ng taumbayan upang siya ay bigyan ng proteksyon ay gagamitin isang araw para magbigay ng isang krimen na gugulatin ang sambayanang Pilipinas at gagamitin niya ang training na ito,” dagdag niya.
Inihain ng mambabatas ang Senate Bill (SB) 2042 o ang “Anti-Scalawag Act” noong Marso 22 na magbibigay ng mabigat na parusa sa sinuman na mag-re-recruit, gagamit, popondo, at magsasanay ng security personnel para pumatay.Â
“The merciless killings perpetrated by scalawags or individuals who are former or present members of law enforcement agencies or paramilitary forces of the government have been so perverse and repugnant that it gravely threatens our civilized and orderly society. It also puts the good name of our law enforcement agencies to guarantee public safety and security,” aniya.
Sakop ng panukalang batas ang aktibo at dating tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Coast Guard, government intelligence agencies at paramilitary forces na sinanay ng pamahalaan.Â