Iginiit ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na simulan ang pag-amyenda sa economic provision ng 1987 Constitution para pumasok ang foreign direct investments (FDI) sa bansa.
“Ang ating bansa ay biniyayaan ng sapat na likas na yaman at mga kabataan at bihasang manggagawa. Sila po ay hindi magkaroon ng makahulugang kontribusyon sa ating bansa para sa ating pag-unlad dahil sa pangangailangan ng malakihang kapital. Hindi po natin mapakinabangan ang ating human resources at ating natural resources para mapaunlad natin ang ating bansa sa kadahilanan na mayroong limitasyon ang ating Konstitusyon,” aniya.
Dagdag ni Padilla sa pagdinig sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na ang pagpapalawak ng mga economic provision ng Saligang Batas ay ang tanging paraan para mag-hikayat ng FDI. Pahayag rin niya na “kulelat” ang Pilipinas base sa numero ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan ang FDI ng bansa ay bumagsak ng 25 porsyento mula 2018 hanggang 2020.
Ipinunto rin ng mambabatas na kailangan ng bansa ang “drivers of growth” para sa ekonomiya kasama ang FDI ngayong bumabangon na muli ang Pilipinas mula sa epekto ng Covid-19 pandemic.
“Meron tayong basehan, hindi ito isang political grandstanding. Ito po ay tunay na pangangailangan ng ating bansa, itong panukalang ito na ating amyendahan ang economic provision sa ating Saligang Batas,” aniya.
Binanggit rin ni Padilla na ang pagpapalawak ng mga economic revision sa Saligang Batas ay makakatulong pagdating sa usaping kawalan ng trabaho, kagutuman, at kahirapan sa bansa.