Bumaba ang approval at trust ratings nina President Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte at dalawa pang top elected officials ng pamahalaan sa pinakabagong Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia.
Sa survey na isinagawa noong Setyembre 6-13, lumabas na bumaba ang approval rating ng Pangulo ng 3 puntos, mula 53% noong Hunyo patungo sa 50%. Samantala, bumaba naman sa 2 puntos ang trust rating niya, mula 52% patungo sa 50%.
Samantala, si Duterte, na kasalukuyang nasa hot seat dahil sa umano ay misuse ng Office of the Vice President (OVP) funds ay lagpak din sa nasabing survey. Ang kanyang approval rating ay bumagsak ng 9 puntos, mula 69% pababa sa 60%, habang ang trust score naman niya ay bumaba ng 10 puntos, mula 71% pababa sa 61%.
Si Senate President Francis Escudero, bagama’t may 60% approval rating sa survey, ay nakaranas ng malaking pagbaba sa kanyang trust score, mula 69% noong Hunyo pababa sa 56%. Si Speaker Martin Romualdez naman ay bumaba rin ang approval rating, mula 35% patungo sa 32%, habang ang trust rating niya ay bumagsak din ng 4 puntos, mula 35% patungo sa 31%.
Kabilang sa mga isyung lumutang bago at habang isinasagawa ang survey ay ang pagkakaaresto ni Apollo Quiboloy, ang budget hearings ng Office of the Vice President at mga Philippine offshore gaming operators, tensyon sa West Philippine Sea, at ang backlash sa poverty threshold na inilabas ng National Eeconomic and Development Authority na nagsasabing P21 kada meal ang minimum cost ng pagkain para makuha ng isang Pilipino ang kanyang micronutrient needs.
Photo credit: Facebook/pnagovph, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH