Hindi natinag si Vice President Sara Duterte sa panawagan ng ilang mga mambabatas na bumaba siya sa pwesto dahil sa kanyang tila kawalang-interes sa pagtatanggol sa budget ng Office of the Vice President (OVP).
Sa isang press conference na ginanap sa kanyang opisina, sinabi ni Duterte na sa tingin niya, may dalawang opsyon na ipinapakita sa kanya bilang “way out.” Ang isa ay ang impeachment at ang pangalawa ay ang resignation.
“Sa tingin ko, sa mga nangyayari, wala silang kaso for impeachment, kaya sila hanap ng hanap ng gagamitin nila. Ang track nila [ACT Teachers Rep.] France Castro at ni [dating senador Antonio] Trillanes [IV] ay impeachment, gumawa pa sila ng isang track ng resignation,” ani Duterte.
Ang opsyon ng pagbibitiw ay unang inihayag ni Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon, isang miyembro ng Young Guns bloc, na nagsabing dahil hindi interesado si Duterte sa kanyang trabaho bilang vice president, mas mabuting umalis na lang siya sa OVP.
“Hindi ako sasagot sa Young Guns; kailangan kong sumagot sa 32 million na bumoto sa akin, hindi sa isa or dalawang tao. Kaya hindi ako aalis dito dahil inihalal ko ng mga tao dito,” saad ng bise presidente. Dagdag pa niya, siya ay binoto ng mga tao dahil naniniwala silang magtatrabaho siya para sa bayan, at iyon ang ginagawa niya.
Samantala, sa kabila ng mga pahayag ng House leadership na walang balak na i-impeach siya, iginiit ni Duterte na may “isang tao” na kumokontrol kina Castro, Trillanes, at Senador Risa Hontiveros sa pagsusulong ng kanyang impeachment.
Inulit rin ni Duterte na ang dahilan kung bakit hindi siya nakikilahok sa mga deliberasyon ng budget sa House of Representatives ay dahil sa kanyang alegasyon na tanging sina Speaker Martin Romualdez at House Appropriations Panel Chairman na si Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang kumokontrol sa budget ng bansa.
Siniguro niya sa publiko na magpapatuloy ang OVP sa mga gawain nito sa kabila ng pagbawas sa kanilang budget. Plano rin ni Duterte na dumalo sa plenary deliberations ng budget ng OVP sa Senado sa susunod na buwan.
Nangyari ang press conference ni Duterte habang ang House committee ay mayroon ding hearing ukol sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bise presidente.
Sa nasabing hearing, tumestigo si former Department of Education (DepEd) Undersecretary Gloria Mercado sa Kamara na binigyan siya ng bise presidente ng siyam na envelopes na naglalaman ng P50,000 bawat isa noong siya ay nanunungkulan pa sa DepEd. Prinisinta din ni Mercado ang mga nasabing envelopes.
Saad naman ni Duterte, si Mercado ay isang “disgruntled” employee na nag-solicit ng P16 million mula sa isang private company ng walang pahintulot mula sa kanya.